Tatlo umano sa anim na city-run hospitals sa lungsod ng Maynila ang nasa critical level na ngayon.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, iniulat ni Vice Mayor Honey Lacuna na nasa kritikal na lebel na ang Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) na matatagpuan sa District 3, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) sa District 1 at Ospital ng Sampaloc sa District 4.

Sinabi ni Lacuna na batay sa ulat nina GABMMC Director Dr. Ted Martin at JJASGH Director Dr. Merle Sacdalan ay lampas na sa inilaan nilang bed capacity ang mga pasyente ng COVID 19 na naka-confine sa kanilang mga pagamutan.

Anang alkalde, maging ang emergency room at mga inilatag na tent sa mga pagamutan ay puno na rin ng pasyente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

May mga pasyente na pinauwi na at sa bahay na lamang nila ipinatatapos ang kanilang gamutan upang mabigyan naman ng atensiyon ang iba pang pasyenteng naghihintay at nangangailangan ng tulong medikal.

May mga health workers na rin umano ang nahawaan na ng COVID-19.

Nabatid na hanggang nitong Setyembre 13, nakapagtala pa ang Maynila ng karagdagang 311 bagong aktibong kaso.

Nananatili pa rin namang ang Sampaloc ang may pinakamataas na bilang ng impeksyon na nasa 321, sinundan ng Tondo na may 157 at Sta. Cruz na may 125 kaso naman.

Mary Ann Santiago