CAMP MACABULOS, Tarlac City - Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Guillermo Eleazar na masisibak sa serbisyo ang isang pulis-Tarlac matapos madakip sa ikinasang buy-bust operation, kasama ang dalawang iba pa, sa Barangay Calayaan, Gerona ng nabanggit na lalawigan, kamakailan.

Paliwanag ni Eleazar, walang puwang sa kanilang hanay ang katulad ni Corporal Geymar Orquero, 37, binata, taga-Barangay Sto. Domingo, Tarlac City, dahil sinisira nito ang imahe ng pulisya kaugnay ng pagkakasangkot umano nito sa bentahan ng illegal drugs.

Iniutos na ng heneral ang pagsasagawa ng summary dismissal proceedings para sa tuluyang ikakasibak sa serbisyo ni Orquero.

Bukod dito, kakasuhan din ito ng kriminal na may katumbas na pagkakakulong kung mapapatunayang nagkasala sa kaso.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Naaresto rin ang dalawa pang kasamahan ni Orquero na sinaMarvin Gadia, 43, may-asawa, taga-Barangay Calayaan; at Joel Umagat, 52, may-asawa.

Sinabi ng pulisya, ikinasa nila ang anti-drug operation laban sa tatlo matapos umanong makumpirmang sangkot ang mga ito sa pagbebenta ng illegal drugs sa Brgy. Calayaan ng lungsod, nitong Linggo ng gabi.

Nasamsam sa mga ito ang isang baril, PNP identification card, dalawang motorsiklo, hindi pa mabatid na halaga ng iligal na droga, marked money at drug paraphernalias.

Nakakulong na ang tatlo habang inihahanda ng pulisya ang kanilang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leandro Alborote