Hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno sa Manila City Council, sa pangunguna ng presiding officer nito na si Vice Mayor Honey Lacuna, na pag-aralan ang posibilidad na huwag ng gumamit ng face shield ang mamamayan ng lungsod.
Sa isang panayam, sinabi ni Moreno na ang mandato na gumamit ng face shields ay dagdag na gastos lang para sa residente, na labis na nga aniyang naghihirap, dahil sa COVID-19 pandemic.
“Pinaaaral ko na sa konseho kasi gastos lang yan sa tao eh. Antabayanan ninyo,” ayon pa kay Moreno.
Aniya pa, “Ginagawa lang headband, tumatalsik, yung matatanda nadadapa nahihirapan huminga tapos basura pa. Last year, lito tayo lahat, naiintindihan ko, pero ngayon me siyentipikong pag-aaral na eh, ” dagdag pa ni Moreno.
Samantala, sinabi rin naman ng alkalde na patuloy na nagbibigay ang pamahalaang lungsod ngRemdesivir, isang life-saving drug para sa severe o critical na mga kaso ng COVID-19.
Sa kabilang banda naman ay sinabi rin ng alkalde na ang stocks ng lungsod na Tocilizumab ay paubos na, gayunman ay sinigurado ni Moreno na gumagawa ng paraan si Lacuna para magkaroong muli ng suplay ng nasabing gamot ang lungsod.
Matatandaang ang lokal na pamahalaan ng Maynila ang nagbibigay ng libreng Tocilizumab sa mga Manilenyo, gayundin sa mga hindi taga-Maynila.
Katunayan ay umabot na ang pamimigay ng libreng Tocilizumab sa Baguio, Pampanga, Batangas, at iba pang lalawigan.
Nabatid na ang life-saving drug na ito ay lubhang mahal at hindi agad-agad nabibili kaya’t nagpasya si Moreno na bumili nito upang magkaroon ng sariling suplay ng lokal na pamahalaan.
“August pa tayo bumili but it is not guaranteed na makakakuha tayo sa October. Si Vice Mayor Honey Lacuna talagang inaantabayanan niya ‘yan,” pagtitiyak ni Moreno sa mga Manilenyo.
Kaugnay nito, hinikayat din ng alkalde na ang mga edad 17-anyos pababa na magparehistro na sawww.manilacovid19vaccine.phpara kapag may go signal na ay mabakunahan na sila kaagad.
Sinabi pa ni Moreno na ang mga nasa hustong edad na nakapagparehistro na ay maari na lamang idagdag ang kanilang mga menor-de-edad na miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng pag-click sa ‘add family’.
Maaari rin naman aniyang magrehistro ang mga menor-de-edad ng sarili nila.
Mary Ann Santiago