Umakyat na ngayon sa 2,708 ang kabuuang bilang ng Delta variant cases sa bansa matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 640 karagdagang kaso nito nitong Lunes, Setyembre 13, 2021.

Binanggit ng DOH na sa karagdagang 640 Delta variant cases, 584 ang local cases, 52 ang Returning Overseas Filipinos (ROF), habang ang apat pang kaso ay biniberipika pa kung lokal o ROF cases.

Sa 584 local cases, abot sa 112 ang taga-National Capital Region (NCR), 52 ang taga-Cagayan Valley, at 49 sa Calabarzon.

Mayroon ding dalawang Delta cases na may address sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tatlo pa sa mga ito ang nananatiling aktibo at maaaring makahawa, 13 ang namatay, habang 624 kaso naman ang nakarekober na.

“Case details are being validated by the regional and local health offices,” anang DOH.

Ang naturang pinakahuling bilang ay mula sa 748 samples na naisailalim sa whole genome sequencing ng University of the Philippines - Philippine Genome Center and the University of the Philippines - National Institutes of Health.

Bukod naman sa Delta cases, may natukoy ding karagdagang 28 Beta variant cases, 24 Alpha variant cases, at limang P.3 variant cases.

Sa karagdagang 24 Alpha variant cases, sinabi ng DOH na 23 ang lokal na kaso at isa ang ROF.

Sa case line list ng ahensya, isa sa mga ito ang namatay na habang nakarekober na ang 23 iba pa.

“The total Alpha variant cases are now 2,448,” anang DOH.

Pawang local cases naman ang karagdagang 28 Beta variant cases.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 2,725 na total Beta variant cases sa bansa.

Idinagdag pa ng DOH na ang limang karagdagan namang P.3 variant cases ay pawang local cases din at nakarekober na sa karamdaman.

Kaugnay nito, nianunsyo naman ng UP-PGC na simula noong Setyembre 9, ay nagbawas na sila ng kanilang COVID-19 RT-PCR testing services at inilipat na ang kanilang resources sa detection ng COVID-19 variants sa pamamagitan ng whole genome sequencing.

Mary Ann Santiago