Isa sa mga kinikilalang 'showbiz authorities' sa Pilipinas ang showbiz columnist at host na si Cristy Fermin; isa rin siya sa mga pinakamatatapang na kolumnista na matapang at walang takot na nasasabi ang kaniyang mga palagay o opinyon hinggil sa mga showbiz issues, bagay na inaabangan naman ng mga 'Maritess.'
Kaya naman sa episode ng kaniyang radio program na Cristy Fer Minute nitong Setyembre 11, tila pinuri ni Cristy ang angking husay ng mga 'Maritess' sa pagkalap ng mga 'resibo' o pruweba ng mga showbiz issues, na mabilis na kumakalat sa social media.
Nasabi niya ito matapos maglabas ang mga Maritess ng kanilang mga patunay, na umano'y magpapatunay na hindi lang isang araw na magkasama (as friends) sina Paolo Contis at Yen Santos sa Baguio City. Bukod sa video at mga larawan na naglalakad-lakad sila, may mga lumabas ding larawan na sila ay magkasama habang kumakain ng ramen.
Ayon sa beteranang kolumnista, wala na raw kawala ngayon ang mga artista, hindi na uubra ang mga patago-tago, dahil talagang tinututukan sila ng mga Maritess o makabagong tawag sa mga chismosa.
"Meron silang mga sariling camera. Kumpleto sila ng equipment. Para na silang mga undercover agents, mga detective. Matitindi na po ngayon, wala nang kawala ang mga artista, talagang tinututukan ng mga Maritess. Hindi na sila makakaligtas," natatawang pahayag ni Cristy.
Ito umano ang dahilan kung bakit wala na masyadong showbiz talk show sa mga TV network gaya ng 'The Buzz,' 'Startalk,' 'Showbiz Central,' at iba pa. Mabilis na umano ang pagkalat ng chika sa social media, at ito na rin ang mabilis na paraang ginagamit ng mga showbiz personalities upang maglabas ng opisyal na pahayag hinggil sa mga isyung kinasasangkutan nila.