Sa pagtangkilik ng buong mundo sa creative economy ng South Korea, ilang malalaking pangalan mula sa bansa ang umaani ng kasikatan ngayon. Kagaya ng ilang kuwento ng tagumpay, ilan sa mga personalidad na ito ay dinanas din ang mahirap na pamumuhay. Tanging puhunan lang nila ang pangarap na kalauna'y naging malaking bahagi sa kuwentong tinutunghayan ng kanilang milyon-milyong fans sa buong mundo.

Narito ang sampung high profile Korean celebrities na umahon sa kahirapan ng buhay:

1. Park Bo-Gum

Sa murang edad, hinangad na ng aktor na maging isang singer-songwriter. Hindi man nito tinungo ang karera ng musika, tinahak ni Bo-Gum ang pag-arte habang sinisikap makapagtapos ng pag-aaral.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Maagang naulila ang batang Bo-Gum sa kanyang ina. Lingid sa kanyang kaalaman, nangutang ng 30 million won ang kanyang ama taong 2008 para buksan ang isang negosyo. Anim na taon ang nakalipas habang nagsisimula sa kanyang karera si Bo-gum, naghain na agad ito ng bankruptcy matapos lumobo ang utang ng kanyang ama sa halagang 800 million won.Ang noo’y 16-taong-gulang lang na si Bo Gum ang ginawang co-guarantor ng ama dahilan para hilingin ng korte na bayaran nito ang utang sa kinikita niya sa pag-aarte.

Kilala si Bo Gum sa kanyang popular na mga proyektong “Love in the Moonlight,” “Reply 1998,” “Encounter,” at "Record of the Youth.”

Park Bo-Gum (Tvn International)

2. Lee Ji-eun (IU)

Naging hamon din sa sikat na singer-actress ngayon na si Lee Ji-eun o mas kilala sa screen name IU ang naging buhay nito bago ang tinatamasang karera ngayon. Matapos malubog sa utang ang kanyang pamilya, kinailangan magpalipat-lipat ng matitirhan ang batang IU kasama ang kanyang nakababatang katapid na lalaki. Naranasan ng singer-actress ang pang-aabuso sa puder sa tinuluyang kamag-anak. Hindi napigil si IU na tahakin ang mundo ng musika at pag-arte sa kabila ng pagdududa ng ilang kamag-anak sa kakayahan niya.

Kasalukuyang isa na sa mga sought-after Korean actresses at music icons si IU.

IU via Instagram

3. Kim Tae-hyung (BTS V)

Lumaki sa isang mahirap na pamilya si Kim Tae-hyung o BTS V sa isang farming village sa Daegu, South Korea. Sa pagsasaka tinustusan ng kanyang lola ang kanyang pangangailangan habang abala rin sa trabaho ang kanyang mga magulang.

Ngayon, kilala si Tae-hyung bilang isa sa pitong miyembro ng global Kpop band BTS.

Kim Tae-hyung via BTS' official facebook

4. Sandara Park

Walong taong-gulang lang si Dara nang unang malugi ang negosyo ng kanyang mga magulang. Dahil sa kahirapan, napilitang huminto sa pag-aaral si Dara na kalauna’y naging tagabantay sa kanyang mga nakababatang mga kapatid.

Sa paglipat nila sa Pilipinas, unti-unting bumangon ang kanilang buhay kasunod ng kasikatan ni Dara. Subalit hindi ito naging permanente matapos lustayin ng kanyang ama ang mga naipong kita sa adiksyon sa pagsusugal.

Sa pagbabalik ni Dara sa South Korea, doon siya na-recruit ng YG Entertainment at napabilang sa Kpop girl group na 2NE1, isa sa pinakamalaking Kpop group sa kasaysayan ng Korean music industry.

Sandara Park via Instagram

5. Seo In-Guk

Namulat sa kahirapan si Seo In-Guk bago pa ang tinatamasang kasikatan. Isang welder ang ama ng aktor habang naranasang mamulot ng basura ang kanyang ina para buhayin ang kanilang pamilya. Sa pagnanais na maging isang singer, bata pa lang ay ilang auditions na ang sinalihan ni In-Guk. Bumulusok ang karera ng aktor sa sikat na proyektong Reply 1997.

Seo In-Guk via Instagram

6. Park Shin-Ye

Sa kabila ng hirap ng buhay, sumugal ang pamilya ni Shin-Ye sa paglipat sa Seoul para tuparin ang pangarap nito. Naging matagumpay naman ang sakripisyo ng kanyang pamilya ngayong isa sa pinakakilalang Korean stars ang aktres.

Park Shin-Ye via Instagram

7. Min Yoongi (BTS Suga)

Sa edad na 13-taong gulang, hilig na ni Min Yoongi o mas kilala ngayon bilang BTS Suga ang musika. Sa katunayan, sa murang edad ay naging tambay na ng mga recording studio at dito niya sinusulat ang mga kanta na kalauna’y ibebenta niya.

Sa pagsasalaysay ni Suga, minsan ay kapalit ng halagang $2 na ipangbibili niya ng isang bowl ng noodles ay kailangan niyang lakarin pauwi ang kanilang bahay. Namulat sa mahirap na pamilya sa Daegu, South Korea si Suga.

Sa kasalukuyan, ang BTS ang pinakamalaking boy band group sa buong mundo, hawak ang ilang records sa global music charts.

Min Yoongi via BTS' official facebook

8. Han So-Hee

Umaarangkada ngayon ang karera ni Han So-Hee sa katatapos lang na series niyang Nevertheless. Lingid sa kaalaman ng lahat na sa tinabing maliit na halaga nag-umpisa ang pangarap ng aktres. Para ipagpatuloy ang pag-aarte at matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan, naranasan noon ng aktres ang magtrabaho sa isang bar.

Han So-Hee via Instagram

9. Taeyang

Bago pa maangkin ang spotlight, naging tagalinis muna noon si Taeyang sa studio ng YG Entertainment. Sa edad na 13-taong gulang, nagpasya si Taeyang na maging trainee ng YG kung saan una siyang naging tagasilbi ng tubig sa mga senior trainees. Kalaunan ay nakilala ang grupong Bigbang na tuluyang nag-ahon sa kanya mula sa kahirapan.

Taeyang (YG Entertainment)

10. Jung Ji-Hoon (Rain)

Hindi naging madali ang kabataan ni Rain. Bata pa lang siya ay kailangan na silang iwan ng amang nagtrabaho sa Brazil habang abala ang kanyang ina bilang tagalako ng pagkain sa Korea. Kasunod ng kaniyang debut bilang entertainer taong 2000, namatay ang kanyang ina dahil walang pang kakayahan ang kanilang pamilya sa mga gamot nito.

Ngayon, kilala si Rain bilang isa sa pinakamayamang celebrities sa Korea.

Jung Ji-Hoon via Instagram