Bigong nasunod ng ilang ahensya ng nasyunal at lokal na pamahalaan ang 90 porsyentong rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) noong 2019 sa nilaang pondo para sa disaster risk management.
Ito ang nabunyag sa kamakailan lang na 2020 audit report ukol sa Disaster Risk Reduction Management Fund sa mga government units na nakatanggap ng mga donasyon at pondo sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.
“Out of the total appropriations, DBM (Department of Budget and Management) released P30.474 billion for NDRRM, QR, MRRRP and Cared during the year. Meanwhile, 1,465 LGUs reported receipt of P42.563 billion LDRRM fund for CY 2020,” sabi ng COA.Kabilang sa mga tinukoy ng COA ang ilang programa sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction Management (NDRRM); Quick Release Fund (QRF); Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program and the Comprehensive Aid to Repair Earthquake Damage (CARED) para sa Regions XI at XII.
Umabot sa halagang P11.074 bilyon ang nalikom na donasyon ng mga ahensyang ito noong 2020.
Sa ulat na isinumite ni Supervising Auditor Juvy E. Onia, binunyag ng COA na sa 40 audit recommendations na inihain ng ahensya noong 2019, sampung porsyento lang ang naipatupad.
Nasa buuang 36 audit recommendations o nasa 90 porsyento ang hindi naipatupad kabilang na ang mababang utilization rate na 43.28 percent sa P7.83 bilyon at non-liquidation ng ilang fund transfer ng implementing agencies sa ilalim ng Department of Agriculture (DA).
Hindi rin liquidated ang fund transfer na nagkakahalagang P679, 822.20 at P65,845,155 para sa ayuda ng mga biktima ng Bagyong Yolanda at Marawi Seige sa pamamahala ng AFP-GHQ.
Ayon sa COA, ang kawalan ng kontrol sa implementasyon ng pamamahagi ng relief goods at hindi pagsusumite ng listahan ng recipients ng ilang LDRRM’s ay kabilang sa mga sinita sa ulat.
Hindi rin nasunod ang regulations sa transfer of donations sa PDRRM Special Trust Fund depository bank account, maging ang procurement ng relief goods sa pamamagitan ng QRF sa pamamahala ng 27 LGU bago ang deklarasyon ng state of calamity.
Sa parehong ulat, pinunto rin ang hindi naibalik na unutilized balances ng LDRRMF ng mga LGU sa unappropriated surplus ng General Fund.
Ben Rosario