Inspirasyon ang hatid ni Benny Tomas mula sa Lal-lo, Cagayan, na isa sa mga nakapasa sa isinagawang Sanitary License Examination noong Agosto 2021, dahil ipinagmamalaki niyang isa siyang balut vendor, at naigapang niya ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagsisikap, at wastong time management. Bukod dito, nakatutulong din siya sa mga magulang.

Kaya naman, sa naging panayam sa kaniya ng ABS-CBN News, sinabi niyang ang pagsusumikap niyang makatapos ng pag-aaral at matamo ang diploma ay alay niya sa kaniyang pamilya, lalo na sa mga magulang.

Isinalaysay ni Benny na kapag may bakante siyang oras kahit nasa paaralan siya, nagtutungo kaagad siya suki niyang bilihan ng balut, na hindi pa luto. Pagkatapos, ilalagay niya ang mga ito sa tinutuluyang boarding house.

Pagkatapos ng klase, saka niya haharapin ang paglilinis at pagluluto ng mga balut. Kapag maayos na, ilalaki na niya ito mula 6PM hanggang 8PM.

Guinness World Records, kinumpirma pagpanaw ng pinakamatandang lalaki sa buong mundo

May be an image of 1 person and indoor
Benny Tomas (Larawan mula sa FB/ABS-CBN News)

Hindi naman umano problema ang pagharap at paggawa sa kaniyang mga homework. Ginagawa niya ito pagkatapos magtinda, o kaya naman, kapag may nalalabi pa siyang oras sa daytime, kung may mga break o bakanteng oras.

Bukod sa balut, nagtitinda rin siya ng candy sa paaralan. Mula umano sa kaniyang baon ang ipinambibili niya rito.

Parehong magsasaka ang nanay at tatay niya, at panlima naman siya sa siyam na magkakapatid. Hinarap nila ang malaking dagok noong 2020 nang mai-stroke ang kanilang nanay.

Mensahe ni Benny sa mga kagaya niyang working student, huwag na huwag susuko sa pag-abot sa mga pangarap.

May be an image of 1 person and standing
Benny Tomas (Larawan mula sa FB/ABS-CBN News)

Ngayon, titulado na si Benny sa kursong Sanitary Engineering na kinuha niya University of the Northern Philippines sa Vigan City, Ilocos Sur.