Sinimulan na ng anim na Metro Manila local government units (LGUs) ang pagpaparehistro sa mga bata edad 12 hanggang 17 taong gulang laban sa COVID-19.
Ang anim na LGU sa Metro Manila ay ang Pateros, Makati, Muntinlupa, Manila, Caloocan, at Las Piñas.
Gagamitin ng Las Pinas City government ang EZ consult account para sa pagpaparehistro ng mga menor sa lungsod.
Ang EZ consult account ay ginagamit rin ng mga residente sa pagpaparehistro para sa kanilang vaccination.
Ayon sa Las Piñas City government, ang pagpaparehistro ay bahagi ng preparasyon nila kung sakaling aprubahan na ng pamahalaang nasyunal ang pagbabakuna sa mga menor de edad gamit ang Moderna at Pfizer vaccines na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).
Ang Pateros naman ang unang LGU na naglunsad ng COVID-19 vaccination registration para sa mga menor de edad noong Setyembre 8.
Maaaring magparehistro ang mga edad 12 hanggang 17 gamit ang QR code na makikita sa Facebook page ng Pateros municipal government.
Sa Maynila, inanunsyo ni Mayor Isko Moreno na maaari nang magparehistro ang mga menor de edad sa www.manilacovid-19vaccine.ph, pwede rin irehistro ng magulang ang kanilang anak gamit ang single account para sa pamilya o magkahiwalay na irehistro.
Sa Makati naman, nag-anunsyo nitong Biyernes, Setyembre 10 na maaari nang magparehistro ang mga bata na may edad 12 hanggang 17.
Ayon sa Facebook post ng Makati City government, maaaring mag sign up sa www.covid19vaccine.safemakati.com.
Kaugnay nito, ayon kay Caloocan Mayor Oca Malapitan, importante ng vaccination program para sa mga menor de edad. Kaya naman bukas na rin sila sa pagpaparehistro ng mga bata na may edad 12 hanggang 17.
Naghahanda naman ang Muntinlupa City government para sa pagpaparehistro ng mga menor de edad sa COVID-19 vaccine.
Jean Fernando