Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian nitong Sabado, Setyembre 11 ang gobyerno na muling buksan ang limitadong face-to-face classes habang pinunto nito ang long-term effects ng pagsasara ng mga eskwelahan sa mga bata at sa pambansang interes.
“Dapat sa lalong madaling panahon bumalik na tayo sa face-to-face, hindi na natin kaya ang isa pang taon na walang face-to-face. Maraming magulang ang hirap, maraming bata ang hirap, at ang bata po ay hindi natututo,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Dagdag nito, tinatayang nasa 69.5 percent na ang learning poverty ng Pilipinas ayon sa World Bank bago pa man ang pandemya.
Ang learning poverty ay tumutukoy sa kabuuang bilang ng mga batang 10-taong-gulang sa bansa na hindi kayang makapagbasa at makaunawa ng isang karaniwang kuwento.
Pinunto ng senador na maaaring lumala ang datos dahil sa pagsasara ng mga eskwelahan.
Ayon pa sa senador na binatayan ang pagsusuri ng learning loses ng World Bank, ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) ay bababa mula 7.5 years hanggang 5.7-6.1 years, o katumbas ng 1.4 hanggang 1.7 years.
Ibig sabihin nito, ang kalidad ng edukasyon para sa 12 years basic education ay katumbas lang ng 5.7 hanggang 6.1 years na pag-aaral.
Pagbabala ng World Bank, maaari ring maliitin ang kakayahan ng bansa dahil apektado ang ekonomikong potensyal at pagiging produktibo ng mga bata pagtuntong sa propesyunal na mundo.
Samantala, nauna nang niulat na bukas ang Pangulong Duterte na payagan ang in-person classes sa mga lugar na nasa low risk na kategorya.
Nauna namang sinabi ng Department of Health (DOH) na nasa 120 eskwelahan na ang nakahanda para sa muling pagbubukas ng klase, na mag-uumpisa sa mga batang nasa kindergarten hanggang Grade 3, ayon an rin sa payo ng mga health experts.
Gayunpaman, binigyan-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagsisigurong may kapasidad ang mga pampublikong paaralan na magpatupad ng health protocols kabilang na ang pagkakabit ng sapat na suplay ng tubig, sanitation and hygiene facilities.
Hinimok din ng mambabatas ang agarang vaccination sa mga kaguruan at mga batang may edad 12-17-taong-gulang para maprotektahan laban sa mas nakahahawang Delta variant ng coronavirus disease (COVID-19).
Vanne Ellaine Terrazola