Isasantabi na muna ni presidential spokesman Harry Roque ang kanyang political plans hanggang maabot ng National Capital Region (NCR) ang target vaccination rate.
Ito ang sinabi ni Roque matapos ang kanyang nominasyon sa PDP-Laban bilang guest senatorial candidate para sa Halalan 2022.
Sa isang press briefing nitong Biyernes, Setyembre 10, nagpasalamat si Roque sa PDP-Laban sa kanyang nominasyon.
Gayunpaman, sinabi ni Roque na may misyon siya nang bumalik sa gobyerno bilang tagapagsalita ng Palasyo at ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.
“Umalis na po ako sa trabahong ito pero bumalik dahil sa tingin ko nga merong tawag at paghamon ng panahon sa kalagitnaan po ng pandemya,” sabi ni Roque.
“Nais ko muna pong makita na magkaroon ng kahit papaanong pagpapatapos itong pandemyang ito sa pagkamit ng population protection,” dagdag niya.
“Bumalik ako for a reason, tatapusin ko po ang aking dahilan,” pagpapatuloy ni Roque.
Ayon sa kanya, isasantabi niya muna ang kanyang ambisyon sa politika sa ngayon at pagtutuunan ng pansin ang publiko sa paglutas ng pandemya.
“Tutok po tayo dito sa pag-enganyo sa ating mga kababayan: Magpabakuna na po tayo para tayo po ay makapagbalik-buhay,” sabi ni Roque.
“Pag meron na po tayong population protection sa Metro Manila, pag-iisipan ko na po ang aking political plans,” dagdag ni Roque.
Unang naging tagapagsalita ng Pangulo si Roque taong 2017 at nagbitiw ito sa puwesto upang tumakbo bilang senador noong 2019 elections.
Dahil sa karamdaman, nag-withdraw si Roque sa senatorial race.
Binanggit noon ni Roque na saka lang siya tatakbong muli sa oras na tumakbong Pangulo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Argyll Cyrus Geducos