Pinag-iingat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko laban sa mga pekeng ₱1,000 bills. Sa isang paabiso nitong Huwebes, pinayuhan pa nito ang publiko na maingat na busisiin ang security features ng kanilang banknotes upang matiyak na genuine ang kanilang pera kasunod na rin ng mga ulat na may nagkalat na pekeng ₱1,000 bills sa bansa.
“To ascertain the genuineness of the NGC banknotes, the public is advised to use the Feel-Look-Tilt method to check the security features,” ayon sa BSP.
Tiniyak rin naman ng BSP na biniberipika na nila ang mga ulat sa mga messaging apps at social media platforms hinggil sa umano’y mga huwad na ₱1,000 banknotes.
Nagbabala rin ang BSP na ang pamemeke ng pera ay may katapat na parusang pagkabilanggo ng hanggang 12 taon at multa na hanggang₱2 milyon.
“Under Republic Act No. 10951, counterfeiters of Philippine currency are subject to the penalty of imprisonment of at least 12 years and 1 day and a fine not exceeding two million pesos,” babala pa ng BSP.
Iniulat pa ng BSP na mula Enero hanggang Hunyo lamang ng taong ito ay may 14 na indibidwal na ang naaresto at siyam ang nasampahan ng kasong kriminal dahil sa pekeng pera.
Hinikayat din ng BSP ang publiko na kaagad na i-report ang anumang impormasyon hinggil sa pamemeke ng Philippine currency sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o anumang law enforcement agency upang kaagad namaaksyunan
Maaari rin umanong kumontak ang publiko sa Payments and Currency Investigation Group (PCIG) ng BSP sa email address na[email protected].
Mary Ann Santiago