Sinuspinde ng Kamara ang deliberasyon ng P52.6 bilyong budget ng Commission on Higher Education (CHED) dahil sa kawalan ng alokasyon sa RA 11590 o Doctor Para sa Bayan Act.

Sa isang hybrid meeting ng House Committee on Appropriations noong Huwebes na pinamunuan ni Vice Chairman at Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II, tinalakay ang budget ng CHED.

Ang naturang halaga ay 15.7 porsiyento o P9.6 bilyong mababa sa orihinal na budget proposal na P62.39 bilyong hinihingi ng CHED.

Ipinaalam ni CHED Chairman Prospero de Vera sa mga kongresista na ang pagtapyas sa kanilang budget ay nangangahulugan na hindi nila maipatutupad ang Republic Act 11590 o ang Doctor Para sa Bayan Act, na nagkakaloob sa pagtatayo ng State Medical Schools.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Naglaan ang CHED ng kaukulang para sa implementasyon nito sa ilalim ng original budget proposal na isinumite sa Department of Budget and Management.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago, dismayado siya na hindi maipatutupad ang Doktor Para sa Bayan Act sa gitna ng pandemya dahil walang alokasyon sa budget.

“Mr. Chair nakakahiya at sa totoo lang nakakaiyak at nakakagalit iyong pinakita ng CHED sa budget presentation na para tayong wala sa gitna ng pandemya. Unang una, walang budget para sa Doktor Para sa Bayan para sa 2022, isang bagay na (dapat) bigyan ng prayoridad na matapos ang lahat ng kinakailangan para maging ready na iyan for implementation. Maski iyong scholarship para sa med students nangalahati para sa 2022, at dagdag pa diyan iyong subsidies para sa tuition fee ng mga med students sa 2020 hanggang ngayon pala hindi pa binibigay,” ani Elago.

Kinuwestiyon din ni Deputy Minority Leader Janette Garin ang non-implementation ng Doktor Para sa Bayan Act at iba pang mahahalagang programa ng CHED.

Bert de Guzman