Nanawagan si dating Senador Antonio Trillanes IV, kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa mga Pilipino na magparehistro na sa pamamagitan ng pagpapakita ng 50-second video clip na kung saan nakapaloob ang ginawa umano ng kasalukuyang administrasyon sa "pagpapatahimik" sa media at mga kritiko nito.

Pinaalalahanan niya ang publiko na ang huling araw ng registration ay malapit nang matapos. 

Matatandaang hindi na pinalawig ng Commission on Elections (COMELEC) ang registration deadline sa Setyembre 30.

Sa isang video, makikita ang mga headlines sa paglipas ng limang taong panunungkulan ng Pangulo na ipinapakita umano ang hilig nitong patahimikin ang critical press.

“Kung sila ay kayang patahimikin, ikaw pa kaya? Ang sama-sama nating tinig, sa boto natin iparinig," ani Trillanes.

4 na jurisdiction challenge ni FPRRD, 'di nakaporma sa ICC Appeals Chamber!

Tampok sa video ang mga news items na nagpapakita ng balita na umano'y pagpapatahimik ng administrasyong Duterte sa mga kritiko nito-- ABS-CBN, Maria Ressa ng Rappler, Senador Leila de Lima at dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

“Magparehistro para sa Halalan 2022. Ika-30 ng Septyembre 2021 ang huling araw ng pagpaparehistro," aniya.

Nauna nang sinabi ni Trillanes na may plano siyang tumakbo bilang presidente kung sakaling hindi tatakbo si Vice President Leni Robredo sa posisyon.

 

Gayunman, nais din niyang makita ang pagkatalo ng kasalukuyang administrasyon pagsapit ng halalan.

Raymund Antonio