Mula sa 12,751 lamang, dinagdagan pa ng Department of Health (DOH) ng mahigit 5,000 pa ang mga bagong COVID-19 cases na naitala nila nitong Miyerkules, Setyembre 8, kasunod na rin ng umano'y naganap na glitch o aberya sa data collection system ng ahensya.

Sa pahayag ng DOH nitong Huwebes ng hapon, iniulat nito na 17,883 ang bagong kaso ng COVID-19 na naitala nitong Miyerkules.

Ito ay karagdagang 5,132 kaso mula sa 12,751 kaso na unang iniulat ng ahensya.

“Due to the technical issues encountered with COVIDKaya yesterday, we report an additional 5,132 cases from the 12,751 cases yesterday, September 8,” anang DOH.

Dahil naman sa mga karagdagang bagong kaso ng sakit ay umaabot na ang total COVID-19 cases sa bansa sa 2,139,137 hanggang Setyembre 8 lamang.

Iniulat din ng DOH na nakapagtala pa sila ng karagdagan pang 41 bagong recoveries sa kahalintulad na araw, kaya umakyat na sa 20,192 ang bagong recoveries nitong Miyerkules.

Nanatili naman ang death toll sa 34,672.

Kaugnay nito, tiniyak ng DOH na inaayos na nila ang naging problema sa kanilang data collection system.

Mary Ann Santiago