Hindi magdadalawang-isip ang Office of the Ombudsman na ipabawas ang kanilang badyet kung ilalaan naman ito ng gobyerno sa paglaban sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang ipinunto ni Ombudsman Samuel Martires nang isalang ito sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kung saan tinalakay ang paglaan ng DBM ng  ₱3.967 bilyon para sa anti-graft agency.

"We are willing to accept a lesser allocation if there is a need to augment the budget of other agencies that are fighting this pandemic and preventing the spread of the CoVID virus. We are willing to sacrifice,” paliwanag nito sa naturang budget hearing na pinangunahan ni Approriations Committee vice chairman Zamboanga Rep. Romeo Jalosjos, Jr. nitong Huwebes, Setyembre 9.

Gayunman, tinutulan ito nina Deputy Speaker at Cagayan De Oro City Rep. Rufus Rodriguez; Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, Rep. Edcel Lagman (1st District, Albay) at Rep. Kit Belmonte (6th District, Quezon City) at sinabing sa ilalim ng batas, mandato ng DBM na ibalik ang badyet ng anti-graft agency na hindi mababa sa natanggap sa kasalukuyang taon.

National

First Family bumati sa buong bansa; 'Ang Pasko ay pamilya'

Ikinatwiran ng apat na mambabatas na sa nasa batas na ibinabalik ang badyet ng Ombudsman na kapantay ng ₱4.67 bilyon.

“The Supreme Court has ruled that a law like the GAA (General Appropriations Act) cannot amend a law of specific character. It cannot amend the Ombudsman Act, being a specific law,” pahayag naman ni Rodriguez.

Aminado naman si Martires na bumagal ang kanilang pagtatrabaho sa Ombudsman, kabilang na ang pagsasagawa ng imbestigasyon, pagdinig at iba pang gawain bunsod ng pandemya.

Hirit nito, maaari namang ma-re-align sa ibang COVID-19 program ang pondong kukunin sa kanilang opisina.

Iminungkahi naman nito sa mga kongresista na payagan silang gamitin ang kanilang naimpok, kita at makapagsagawa rin ng pagbalasa.

Ipinaliwanag naman ni Lagman na obligado ang pamahalaan na ibigay ang badyet ng Ombudsman.

“The Office of the Ombudsman suffered a vicious cut in the amount of P685 million and this could be higher,” pagbibigay-diin pa ni Lagman.

Ben Rosario