Makahulugan at tila may pinariringgan si Unkabogable Star Vice Ganda sa kaniyang pahayag sa isa sa mga episode ng kaniyang noontime show na 'It's Showtime' nitong Setyembre 7, 2021.
Ginawan pa niya ng pubmat sa mismong opisyal na Facebook page niya. Saad niya sa caption, "Madlang people, matutong tumanggap ng mali at umako sa kasalanan. Ganern!"
Aniya naman sa pubmat, "Yung 'audacity' lagi na nating naririnig pero yung 'accountability' parang pilit kinakalimutan," aniya.
Dagdag pa niya, "You should know when you are wrong, and when you are wrong, you should know how to say sorry, because you are wrong-accountability."
Si Vice Ganda ay isa sa mga kontrobersyal na artista sa showbiz sa dami ng kaniyang followers at maging bashers.
Accountable nga ba si Vice Ganda?
Ilang beses na ring nag-sorry si Vice sa ilang mga kilalang personalidad na nasaling o nasaktan sa kaniyang mga biro at banat. Ang estilo kasi ni Vice sa pagpapatawa ay may tendensiyang manlait ng kaniyang kapwa.
Nag-sorry siya noon sa batikan at premyadong news anchor ng GMA Network na si Jessica Soho noong 2013 matapos niyang gawing suject sa 'rape joke' sa kaniyang concert na 'I-Vice Ganda Mo 'Ko sa Araneta' noong May 17, 2013, na hindi rin naman nagustuhan ng mga tao.
"Ang hirap nga lang kung si Jessica Soho magbo-bold. Kailangan gang rape lagi. Sasabihin ng rapist, 'Ipasa ang lechon.' Sasabihin naman ni Jessica, 'Eh nasaan yung apple?'" banat niya noon.
Ipinaliwanag ni Vice ang kaniyang ginawa at humingi ng dispensa kay Jessica ilang araw matapos siyang i-bash dahil doon. Hindi naman kaagad tinanggap ng news anchor ang kaniyang sorry dahil nasaktan talaga ito sa kaniyang rape joke.