Matapos ang mahaba-haba ring panahon ng pagkaantala, nakapagsimula na rin ng kanilang paghahanda ang national women’s basketball team para sa nakatakda nilang pagsabak sa FIBA Women’s Asia Cup na idaraos sa Amman, Jordan mula Setyembre 27 hanģgang Oktubre 3.

Ito ang isinapubliko ni Samahang Basketbol ng Pilipinas special assistant to the president Ryan Gregorio.

Nagsimula na aniya ang Gilas women’s squad sa kanilang bubble camp sa Lipa City, Batangas.

Sa Inspire Sports Academy sa Calamba sana gagawin ang bubble camp ng national women's team, gayunman, dahil sa napakahigpit na health protocols ay napilitan silang humanap ng ibang venues na medyo maluwag ng kaunti ang mga panuntunan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinangungunahan ang mga nasa training camp nina Southeast Asian Games gold medalists Afril Bernardino, Janine Pontejos at Clare Castro.

Kasama nila sina France Cabinbin, Khate Castillo, Ria Nabalan, Mar Prado, Andrea Tongco at mga baguhang sina Camille Clarin, Ann Pingol at Kristine Cayabyab sampu ng coaching staff sa pangunguna ni coach Patrick Aquino.

Inaasahan namang darating sa linggong ito buhat sa US si playmaker Ella Fajardo ng Fairleigh Dickinson University para makasama ng team sa training.

Kabilang ang Gilas Women’s team sa Group B, kasama ng Asian powerhouse China, Australia at Chinese Taipei. V. A.

Marivic Awitan