May makahulugang Twitter posts ang komedyante-host na si Tuesday Vargas nitong Setyembre 7, 2021.

Mukhang hinggil ito sa naging guesting niya sa segment na 'Madlang Pi-POLL ng 'It's Showtime' nitong September 7, 2021 kasama ang mga komedyanteng sina Kitkat at Wilma Doesn't. Tahasan at walang takot kasi niyang ipinahayag ang kaniyang opinyon at saloobin hinggil sa tanong na "Sang-ayon ka bang ilagay ulit ang Metro Manila under GCQ (General Community Quarantine)?"

Sina Kitkat at Wilma ay parehong sumagot ng 'Yes' habang si Tuesday naman ay 'No.'

"Ako naman maka-nega lang, masabi lang, haha, kasi hirap na hirap na ako, ako lang naman ito ah, concern lang ako sa sarili ko haha… No naman sa akin, kasi magye-yes ako kung may mas konkretong plano, yung hindi ura-uradang pabalik-palik na parang ECQ, MECQ, GCQ… parang paganun-ganun tayo, so kung mas gusto ko siguro nang mas maganda at mas maayos na sistema, tapos mas maganda at mas maayos na pamamalakad ng lahat ng paglabas ng mga sistemang ito, para i-deserve naman nila yung buwis na ibinabayad!" matapang na sagot ni Tuesday.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Tuesday Vargas (Screenshot mula sa YT/Kapamilya Online Live)

Matapos ang programa, agad na naglabas ng kaniyang Twitter posts si Tuesday.

"Nais ko pong magpasalamat sa lahat ng mga nanood ng @itsShowtimeNa nais ko pong gamitin nang mahusay ang aming platform. Bago pa po ang artista na persona, ako po ay Pilipino na naninindigan kasama ng aking mga kababayan. Gagamitin ko po ang aking boses para po sa mabuti," paliwanag ni Tuesday.

"Hindi po ito issue ng kanan o kaliwa, ng kaalyado ng pamahalaan o hindi. Tayo po ay nasa iisang pandemya, nasa iisang sitwasyon. Ang gusto nating lahat ay mas malinaw at konkretong plano para sa lahat. At kung kinakailangan sabihin, mauuna na po kaming nakikita nyo sa TV," saad niya sa pangalawang Twitter post niya kaugnay sa isyu.

Sa pangatlong Twitter post naman, ipinaliwanag niya na huwag haluan ng himig-pulitikal ang kaniyang sagot. Sinasagot lamang niya ang isang tamang tanong batay sa kaniyang saloobin.

"Napakasaya po ng guesting kanina at nakakatuwa na na aliw namin kayo. Hindi ko po pinlano na maging pulitikal. Subalit tinawag ako ng tanong at marapat na sagutin lang nang tama. Karapatan ko bilang mamamayan na maliwanagan. Yun lamang. Salamat pong muli sa inyo."

Tuesday Vargas (Larawan mula sa Twitter)

Si Tuesday Vargas ay nagtapos ng sekundaryang edukasyon sa Manila Science High School at nagtapos naman ng kolehiyo sa University of the Philippines (UP) Diliman.