Isa sa mga nakaranas ng matinding epekto ng 'New Normal' ay ang sektor ng edukasyon. Mula sa kinasayang face-to-face classes, kinailangang mag-shift sa virtual at modular learning ang mga mag-aaral at guro. Walang nagawa ang lahat kung hindi mag-effort na aralin ang iba't ibang paggamit ng mga makabagong kagamitan at apps upang maipagpatuloy ang pagtuturo at pagkatuto.

Maging ang mga magulang, kapatid, at iba pang guardians, tila naging 'assistant teacher' na rin dahil sa paggabay sa kanilang mga anak, pamangkin, kapatid, at apo upang masagutan ang mga worksheets at modules na ipinapasa sa takdang panahon. Ang problema, sa ganitong paraan umano ay hindi nakasisigurong sinagutan nga ito ng mga mag-aaral (o pinasagutan sa iba), at sa malas, marami rin ang hindi nakapagpapasa. Maraming dahilan: ang iba ay valid, ang iba naman ay hindi.

Para sa gurong si Joey Boy A. Japson o mas kilala sa tawag na 'Sir Japs,' guro ng asignaturang Filipino sa Justice Cecilia Moñuz Palma High School sa Quezon City, bilang isang guro ay hindi sapat na ipinapagawa lamang ang mga modules sa mga mag-aaral; kaya naman tuwing Sabado at Linggo, nagtitiyaga siyang magsagawa ng home visitation sa kaniyang mga mag-aaral sa pamamagitan ng kaniyang bisikleta.

Libangan ni Sir Japs ang malayuang pagbibisikleta kaya enjoy naman siya sa ginagawa niyang pangungumusta sa kaniyang mga mag-aaral.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Salaysay ni Sir Japs sa Balita Online, bagong pasok pa lamang siya sa pampublikong paaralan nitong panahon ng pandemya, bagama't matagal na siyang nagtuturo sa mga pribadong paaralan at institusyon. Napansin kaagad niya na maraming hindi nagpapasa ng modules, kaya naman, binisita na niya ang mga ito. Doon niya nalaman ang iba't ibang kuwento nila. Karamihan sa kaniyang mga mag-aaral ay nakatira sa Payatas, Quezon City.

"Kalagitnaan na ako dumating sa public… hanggang sa napansin ko, maraming hindi nagpapasa ng modules. Eh dahil hobby ko naman mag-bike tuwing Sabado at Linggo, naisipan kong mag-bike sa Payatas at hanapin ang mga batang hindi aktibo, at pagawaan ng module sa asignaturang Filipino," aniya.

"Doon inisa-isa ko sila sa buong Payatas. Wala lang maiwan sa bawat section. Oo marami ako nahuli na hindi talaga gumagawa ng module. Pero mas marami akong kuwentong napulot kung bakit hindi sila gumagawa, ang iba ay tumutulong sa magulang dahil nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, tumutulong sa pagtitinda ng basahan. Hindi na nakasabay sa online class at narealize nila na mas okay na pinili nila ang mag-modular," paliwanag pa ni Sir Japs.

No description available.
Larawan mula sa FB/Joey Boy A. Japson

No description available.
Larawan mula sa FB/Joey Boy A. Japson

No description available.
Larawan mula sa FB/Joey Boy A. Japson

Hindi umano maaatim ni Sir Japs na sa mahigit 50 na mag-aaral sa isang section, mangilan-ngilan lamang ang nagpapasa. Hindi niya umano masisikmura na basta na lamang ipasa sa susunod na antas ang mga mag-aaral na hindi man lamang nagtangkang magpasa ng kanilang modules at requirements.

"Kasi biruin mo 50 plus ang estudyante ko sa isang section, iilan lang nagpapasa, malapit na katapusan ng klase. Oo walang ibabagsak… pero ayoko naman ipasa sila na hindi gumagawa. Eh dahil lahat naman tayo biktima ng pandemyang ito.. Magtulungan na lang tayo. Para sa bata. Para sa bayan," saad ng guro.

Kahit noong face-to-face pa ang mga klase, karaniwan na ang pagsasagawa ng home visitation, subalit para lamang ito sa mga iilang mag-aaral na medyo nakakarami na sa lates at absences, o kaya naman ay tuluyan nang hindi pumasok sa klase. Karaniwang mga gurong tagapayo o class advisers ang gumagawa nito. Subalit para kay Sir Japs, kahit subject teacher lamang siya, hindi masamang magsagawa ng home visitation basta't mag-iingat pa rin.

"Gagawin at gagawin ko pa rin ito hanggang ngayong 2021-2022, Huwag lang may maiwan sa ibaba sa panahon ng pandemya. Para sa mga bata, para sa bayan!" ani Sir Japs.

May be an image of 1 person, standing, outdoors and text that says 'FACEMASK FACESHIELD ENTRY ら Mula sa Masa Tungo sa Masa'
Larawan mula sa FB/Joey Boy A. Japson

Si Sir Japs ay nagtapos ng Bachelor of Secondary Education na nagpapakadalubhasa sa Filipino (BSED-Filipino) sa Colegio De Sta Teresa De Avila.