Hinimok ni Senator Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Setyembre 8, ang Palasyo para amyendahan ang panukalang 2022 P5 trillion national budget dahil bigo umano itong mapondohan nang sapat ang “essential items” na mag-aahon sa bansa sa krisis ng COVID-19 pandemic.

Nailatag ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ngayong araw ang panukalang 2022 National Expenditure Program (NEP) sa Senate finance committee sa pangunguna ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara.

Binanggit ni Hontiveros na hindi napondohan ng Ehekutibo ang benepisyo ng mga healthcare workers, ayuda para sa mga mahihirap na pamilya, service contracting, at ang paglalagay ng booster shots sa “unprogrammed appropriation" para sa susunod na taon.

“Masyadong disconnected ang budget na ito sa reyalidad ng pandemya. COVID-19 is here to stay for the next one or even two years. Malacanang has to send an amendment and an addendum to the 2022 budget to make sure the relief and response are at a high level,” sabi ni Hontiveros.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dagdag pa ng senadora, “hindi katanggap-tanggap” na walang ni sentimo ang mga healthcare workers na nasa frontline ng laban ng bansa sa pandemya.

“Sa kabila ng kali-kaliwang panawagan at panaghoy ng ating healthcare workers na maibigay na ang kanilang SRA, gaano kagarapal na sa budget sa susunod na taon ay ni singkong duling, walang inilaan para sa kanilang SRA, hazard pay, allowance sa meals, accommodations at transportation? Bigyan naman natin ng dignidad ang ating medical frontliners,” sabi ni Hontiveros.

Kinuwestyon din ni Hontiveros ang kakulangan sa pondo para sa mga bagong kwalipikadong mga mahihirap na pamilya sa ilalim ng Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)

Sinita rin ng mambabatas ang kawalan ng pondo para sa service contracting na maaari sanang sumuporta sa mga operators ng public utility vehicles (PUV) na patuloy na iniinda ang kakarampot na kita sa pagpapatupad ng physical distancing at limistasyon sa mga ruta.

Dismayado naman si Hontiveros sa paglalakip ng pondo para sa vaccine booster shots sa ilalim ng “unprogrammed appropriations.”

Maging ang dagdag na pondo para sa Commission on Elections (Comelec) ay hindi rin umano napagbigyan kasunod ng maaaring botohon sa ilalim ng new normal sa Mayo 2022.

Punto ni Hontiveros, dapat umanong tapyasan ang pondo ng ilang ahensya kagaya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict’s (NTF-ELCAC) na tumaas pa ng 57 percent.

“As far as we all are concerned, we demand a budget that will effectively address the demands of the time. Common sense dapat na ang priority ay ang magliligtas ang buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan,” dagdag ni Hontiveros.

Mario Casayuran