Inalerto na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng walong bayan sa Bulacan nang magpasya ang ahensya na magpapakawala ng tubig sa Ipo Dam bunsod na rin ng walang tigil na ulan, nitong Miyerkules ng umaga.
Dakong 8:00 ng umaga nang simulan ng PAGASA ang emergency water discharges dahil sa patuloy na pagtaas ng water level ng nasabing reservoir.
Inalerto na ng PAGASA ang mga residente nasa mababang lugar ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, at Hagonoy.
Nitong Miyerkules, aabot na sa 101.23 meters ang water level ng dam mula sa dating 99.70 meters.
Ayon pa sa PAGASA, aabot sa 101 meters ang spilling level ng naturang dam.
Ellalyn De Vera-Ruiz