Nanawagan si Marikina Mayor Marcelino Teodoro sa national government nitong Martes na ilabas na ang mga guidelines na dapat sundin hinggil sa ipatutupad na granular lockdowns para mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19.

Ayon kay Teodoro, nakatakda nang simulan ang pilot testing ng granular lockdown sa Metro Manila sa Miyerkules, Setyembre 8, 2021, ngunit hanggang ngayon ay wala pang inilalabas na guidelines hinggil dito ang pamahalaan.

“Ang hinihintay namin at talagang inuulit-ulit na kailangan natin, mailabas na ng national government agencies natin 'yung mga guidelines na gagamitin natin dito sa policy shift na ito,” panawagan pa ng alkalde, sa panayam sa telebisyon.

Aniya, dapat ay batid na nila sa ngayon ang mga naturang patakaran para na rin sa compliance ng mga mamamayan.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sinabi pa ni Teodoro na ang naturang guidelines para sa granular lockdowns ay nakatakdang talakayin ng Metro Manila mayors at ng technical working group ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ngayong Martes ng hapon ngunit hindi pa rin ito nakalatag.

“Hindi pa nakalatag. Ito nga 'yung nagiging problema natin, palaging nahuhuli tayo sa ganitong bagay,” aniya pa.

“Kailangan malatag, malinaw ito for compliance purposes ng ating mga kababayan,” aniya pa.

Matatandaang inanunsyo ng pamahalaan na ang Metro Manila ay isasailalim sa general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions simula Setyembre 8 hanggang 30.

Kasabay nito, sisimulan na rin nila ang pilot testing ng granular lockdown upang matukoy kung mabisa ba itong pamalit sa community quarantines.

Nabatid na sa ilalim ng granular lockdown, isang barangay, kalye o subdibisyon lamang ang ila-lockdown kung makikitaan ito ng nakaaalarmang pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Wala rin umanong sinumang papayagang makalabas sa lugar na ila-lockdown maliban na lamang kung sila ay healthcare workers.

Taliwas naman ito sa kasalukuyang polisiya sa ilalim ng community quarantines, kung saan isang buong lalawigan o rehiyon ang isinasailalim sa lockdown ngunit pinapayagan ang mga tinaguriang authorized persons outside residence (APOR) na lumabas ng bahay at pumasok sa trabaho, gayundin ang mga indibidwal na may quarantine pass, upang makabili ng kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Mary Ann Santiago