Pinangalanan ng PAGASA ang unang bagyo para sa buwan ng Setyembre na “Jolina.” Kaya naman ibinahagi ni Jolina Magdangal sa kanyang Instagram ang isang ABS-CBN News report tungkol sa bagyo na kapangalan niya.
“Kung ako ang masusunod, gusto ko umulan ng butterflies. Stay safe everyone,” ani Jolina nang maging Tropical Depression ang Low Pressure Area kahapon, Lunes, Setyembre 6.
Nagkomento naman ang mga momshies na co-host ni Jolina sa “Magandang Buhay”
“Omgeee sana mahinahon lang yan Tulad mo!” ani Karla Estrada.
“Aw aw aw please be good to us momshiejols,” komento naman ni Melai Cantiveros.
Hindi rin nagpahuli ang komedyanteng si Vice Ganda, “Sana cute din ung ulan! Hahahaha.”
Samantala, ang bagyong Jolina ang ika-10 bagyo ngayon taon, at ito naman ang unang bagyo sa buwan ng Setyembre.
Kaugnay nito, nakagawa na ng apat na landfall ang bagyong Jolina sa Hernani, Eastern Samar, dakong 10:00 ng gabi nitong Lunes, Setyembre 6; Daram, Samar (2 a.m.); Sto Niño, Samar (3:40 a.m.), at Almagro, Samar (6:30 a.m.).
Nagbabala naman ang PAGASA na susunod pang 24 oras ay magdadala pa ng malalakas na pag-ulan ang bagyo sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Leyte, Biliran, Sorsogon, Albay, Romblon, at Masbate.