Umabot na sa mahigit 15 milyong katao sa Pilipinas ang fully vaccinated na ng COVID-19 vaccine.Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na mula Marso 1, 2021 hanggang 6:00PM ng Setyembre 5, 2021, umaabot na sa 35,838,964 ang bakuna laban sa COVID-19 na nai-administer ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Sa naturang bilang, 20,805,610 ang natanggap bilang first dose habang 15,033,354 naman ang nakatanggap na ng second dose o nakakumpleto na ng bakuna.
Nabatid na sa mga nakatanggap ng first dose ng bakuna, 2,425,184 ang mula sa A1 category o frontline healthcare workers and expanded population; 3,427,089 ang mula sa A2 category o senior citizens; 5,668,374 ang mula sa A3 category o persons with comorbidities; 7,154,799 ang mula sa A4 o frontliners in essential sectors at 2,130,164 naman ang mula sa A5 o indigent population.
Kabilang naman sa mga nakatanggap ng second dose o fully-vaccinated na ay 2,034,806 sa A1 category; 4,016,318 mula sa A2 category; 5,286,401 mula sa A3 category; 3,059,841 mula sa A4 category at 635,988 mula sa A5 category.
Samantala, iniulat rin ng DOH na nitong nakalipas na pitong araw ay umaabot sa 391,367 ang average na daily administered doses sa bansa.
Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng hanggang 70 milyong katao hanggang sa katapusan ng taon upang makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.
Mary Ann Santiago