Mukhang dalawang babae ang maglalaban sa panguluhan sa 2022 elections. Sila ay parehong maganda, matalino at abogado. Talaga nga naman, ang babaing Pinay ay maganda na, magaling at matalino pa.

Sila ay sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), at Vice President Leni Robredo, biyuda ni dating DILG Sec. Jesse Robredo. Gayunman, walang sinuman kina Sara at Leni ang nagpapahayag na sila ay tatakbo sa presidency sa susunod na taon.

 Kung ang pagbabasehan ay surveys, mataas ang rating ni Inday Sara kumpara kay VP Leni. Siya ang nangunguna sa mga survey kasunod si Manila Mayor Isko Moreno. Malayo sa survey si Robredo.

Noong Lunes, sinabi ni VP Leni na wala siyang balak na tumakbo sa pagka-senador sa 2022 elections. Ayon sa biyuda ni Jesse Robredo, masusi pa siyang nag-iisip sa susunod na halalan, pero ang tiyak ay hindi siya tatakbo bilang senador.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Puwede akong tumakbo sa lokal na posisyon, maaari akong magretiro na, maaaring tumulong na lang ako sa susunod na administrasyon kung hindi ako tatakbo sa pagka-pangulo. Gayunman, siya ay bukas sa pagtakbo sa presidency at labis na nagpapasalamat sa pagtitiwala at suporta ng mga grupo na humihikayat sa kanyang tumakbo. “I don’t take this lightly and I continue to give serious thought to this,” ayon sa Bise Presidente.

Sa kabilang dako, maraming grupong-pulitikal ang humihimok kay Mayor Sara na tumakbo sa panguluhan. Siya ang nagtatag ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), isang malakas na partido-pulitikal sa rehiyon. Nangunguna sa nag-aanyaya kay Sara ang PDP-Laban na partido ng kanyang ama. Naniniwala ang mga supporter na may sapat siyang kakayahan para maging lider ng bansa.               

May sarili at malayang pag-iisip at pananaw si Inday Sara. Sa katunayan, kinokontra niya maging ang amang Pangulo kapag hindi niya nagugustuhan ang pahayag nito. Halimbawa, nais ni PRRD na maging katambal niya si Sen. Christopher "Bong" Go. Sinupalpal niya ang ama at sinabing hayaan siyang magpasiya. Kinontra rin niya ang amang Pangulo nang sabihing nagtungo si Sen. Imee Marcos sa Davao City para maging ka-tandem ni Sara. Wala raw silang pinag-usapan ni Imee tungkol dito.                  

Samantala, kung may mga isyu at pumupustura na sa pambansang eleksiyon, aba, may pumupustura na rin sa mga lokal na halalan. Kabilang dito ang Bulacan. Nagpahayag si Bulacan Vice Gov. Willy Sy-Alvarado sa pagtakbo sa pagka-governor sa lalawigan.

         

Ayon kay Alvarado na dating Bulacan governor, manunumpa siya bilang miyembro ng PDP-Laban sa ilalim ng liderato ni Energy Sec. Alfonso Cusi. Lalabanan niya ang incumbent governor na si Daniel Fernando. Siya ang magiging official candidate ng partido laban kay Fernando.                  

Ang magiging ka-tandem niya ay si ex-Bulacan Gov. Joselito Mendoza. Siya ay kapatid ng dating gobernadora Josie dela Cruz na naging General Postmaster din. Isipin ninyo, dating magkapartido at magkaalyado sina Alvardo at Padilla, pero ngayon ay mahigpit na magkaaway sa pulitika.