Magbubukas na nga ba ang mga sinehan at amusement centers ngayong “ber” months kasunod ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila simula Miyerkules, Setyembre 8?
Dahil sa muli’t muling surge ng coronavirus disease (COVID-19), mababa ang tsansa na mapagbigyan ang reopening sa nabanggit na sektor.
Gayunpaman, nagbitaw ng kaunting pag-asa si Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Lunes, Setyembre 6.
“We will see po,” tugon ni Roque sa mga mamamahayg sa isang virtual press conference kung papayagan ba ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang muling pagbubukas ng mga sinehan at arcades.
“Dahil talaga naman pong as Metro Manila reaches population protection, and reyalidad po is we can be more open as far as the economy is concerned,” sabi ng opisyal ng Palasyo.
Kabilang sa non-essential kung kaya’t naipasara ang mga sinehan, arcades at parehong mga amusement establishments mula nang mag-umpisa ang pandemya nakaraang taon.
Christmas months o “ber” months ang kadalasang peak season ng industriya.
“The negative list remains and kasama pa po dyan yung ating movie houses. Hindi pa po napag-usapan yung revoking the negative list,” paglilinaw naman ni Roque.
Mula sa strict quarantine classification nitong Agosto, nakatakdang isailalim sa GCQ ang Metro Manila simula Miyerkules, Setyembre 8.
Ellson Quismorio