Naipasa sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes, Setyembre 6, ang panukalang batas na nagpapaliban sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula Mayo 2022 hanggang Mayo 2025.
Sa kabuuan, 15 senador ang bomoto para maipasa ang Senate Bill No. 2214 habang tutol sina Senators Ralph Recto, Panfilo “Ping” Lacson at Emmanuel “Manny’ Pacquaio; habang nag-abstain si Sen. Imee Marcos.
Sa paliwanag ni Lacson, nanatili siya sa posisyong may karapatan ang mamamayan ng BARMM ukol sa pagpapaliban sa kanilang eleksyon. Pinunto ng mambabatas na niratipikahan ang Bangsamoro Organic Law (BOL) ng mga mamamayan ng BARMM.
“It is my belief that postponing the election should also be in accordance with the mandate of the people of the BARMM, which should be decided in plebiscite,”pahayag ni Lacson sa plenarya.
Samantala, hindi naniniwala si Marcos na makakamit ang hangarin ng BOL sa pagpapaliban ng halalan. Dagdag niya, hanggang Disyembre 2023 lang ang nais niyang palugit sa parliamentary election.
“Postponement may be in flagrant violation of the Organic Law,” ani Marcos.
Hindi naman sang-ayon si Sen. Francis Tolentino sa dalawang mambabatas at naniniwala itong maipagpapatuloy ng gobyerno ang pagkamit ng kapayapaan sa rehiyon sa pamamagitan ng panukalang batas habang naisasakatuparan ang mga pangako ng Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB).
“Adding three more years to the transition period is nothing compared to the four decades of violent conflict and almost two decades of grueling negotiations between the Government of the Philippines and the MILF (Moro Islamic Liberation Front),” pahayag ni Tolentino sa mga kasamahan niyang mambabatas habang binabanggit ang epekto ng pandemya sa transition ng rehiyon.
Hindi rin umano minamaliit ng bill ang karapatang makaboto ng mga mamamayan ng Bangsamoro.
“But they should be transparent about the disbursement of public funds and they should finish the Electoral Code this 2022 to ensure the orderly conduct of elections come 2025,”sabi ni Tolentino.
Binanggit din sa panukalang batas na sa pagtatapos ng termino ng incumbent members ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), magtatalaga ang Pangulo ng 80 bagong miyembro ng BTA na uupo hanggang Hunyo 30, 2025.
Isang ulat ng komite na nagkokonsolida sa parehong panukalang batas naman ang nakakuha ng committee approval sa Kongreso.
Vanne Elaine Terrazola