Dakila ang pagiging guro bilang isang propesyon dahil sila ang itinuturing na pangalawang mga magulang. Nasasangkot man minsan sa mga kontrobersya, masasabing mataas pa rin ang paggalang ng lipunang Pilipino sa mga guro ng bayan.
Bilang pagdiriwang sa National Teachers' Month, masarap balikan ang kuwento ng kadakilaan ng mga guro. Tulad na lamang ng kuwento ni Ma'am Clariz Jane Lasala mula sa Saint Joseph Institute of Technology, Butuan City.
Sa inilahad na Facebook post ni Lasala, nagpaalam umano sa kanya ang isa niyang estudyante na liliban sana sa klase at sa kanilang itinakdang pagsusulit dahil wala daw siyang mapag-iiwanan na maaaring mag-alaga sa kanyang anak. Mukhang single parent ito.
"Ma'am? Pwede ba akong mag-excuse sa quiz ngayong araw? Wala kasi pong magbabantay sa aking baby," paghingi ng permiso ng estudyante.
Sa halip na payagan ang estudyante, nagprisinta na lamang ang guro na dalhin sa paaralan ang anak, at siya na lamang ang magbabantay rito upang makakuha siya ng pagsusulit.
"Take the quiz and I’ll take care of your baby," saad niya sa kanyang post.
"This experience is from above to help me become a person for and with others and I count this as a blessing. I am blessed and truly full," napagtanto ng guro.
Nangyari ito noong 2018 subalit patuloy pa ring naibabahagi at napag-uusapan sa social media hanggang sa kasalukuyan.