Maaaring payagan ang dagdag na essential activities para sa mga indibidwal na bakunado laban sa coronavirus disease (COVID-19) kasunod ng eased quarantine classification at ang implementasyon ng granular lockdown sa National Capital Region (NCR), ayon sa opisyal ng task force on pandemic response nitong Lunes, Setyembre 6.

Ayon sa tagapagsalita ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na si retired general Restituto Padilla Jr,ang implementasyon ng granular lockdown ay maaaring paraan ng bansa para sa “new normal” transition.

“Bilang pagbibigay daan sa pagpoprotekta ng mga hindi pa nababakunahan, iyon po ang restriction. Pero doon po sa paglabas at pagpunta sa essential activities ng ating vaccinated individuals, mas magiging maluwag,” sabi ni Padilla sa “Laging Handa” press briefing.

Dagdag ng opisyal, bibigyaang-daan din ng granular lockdown ang marahang pagluwag ng mga restrictions sa mga non-essential acitivities kabilang ang dine in restaurants, kasal sa simbahan, misa, lamay at iba pa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ito po ang pagbibigay daan sa ‘normalization’ na tinatawag natin at pinaguusapan natin. Ang expected dito ay habang umuusad ang ating pagbabakuna, lumalawak at gumaganda rin ang ating pagbaba ng kaso dahil mas marami na pong nagiging protektado na mga kababayan natin,” dagdag niya.

Samantala, sinusuri pa rin ang mga implementing guidelines para sa granular lockdown at inaaasahang isasapubliko ito ng technical working group (TWG) ng NTF bago ang pilot implementation.

Ilulunsad ang kauna-unahang granular lockdown sa NCR sa darating na Miyerkules, Setyembre 8 para maiwasan ang dagdag na danyos ng regional strict lockdown sa ekonomiya ng bansa.

Ang granular lockdown ay nangangahulugan pa ring strict lockdown ngunit sa partikular lang na gusali, kanto, barangay o partikular na lugar na mataas ang COVID-19 transmission.

Malaki ang gampanin ng mga local government units (LGU) sa bagong set-up sapagkat ibinibigay sa mga ito ang responsibilidad na magsailalim ng lockdown sa kanilang nasasakupan.

Nitong nakaraang linggo, ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez, sa ilalim ng granular lockdown, ilang lugar lang ang ilalagay sa hard lockdown. Tutukuyin ito sa mga kategoryang Level 1-4; Level 4 ang pinakamahigpit.

May ayuda nga ba?

Dahil LGU na ang may kapangyarihan na magsailalim ng lockdowan sa kanilang lugar, ang ayuda o tulong-pinansyal ay sasaluhin na rin ng mga ito habang inaalalayan ng national government, ayon kay Padilla.

“Tulung-tulong naman ito kaya tayo nagbabayanihan. Ang ating LGUs, although sila ang nakatutok sa pagpapatupad ng mga lockdown na ito, sila rin ang tutulong sa kanilang mga constitutents with the assistance of the national government,” paliwanag ng opisyal.

Patuloy din na magbabantay ang kapulisan para masigurong nasusunod ang minimum public health standards.

Ani Padilla, ang region-wide granular lockdown ay bagong estratehiya na potensiyal na sagot para balansehin ang public health at ekonomiya ng bansa sa gitna pa rin ng malalang paglobo ng kaso ng COVID-19.

“Ito na ang sinasabi natin noon pa na delicate balancing act between public health at saka ang ekonomiya natin. Alam naman natin malaki po ang naging epekto sa malawakan at istriktong lockdown sa ating ekonomiya noong mga nakaraang buwan at nakaraang taon,” pagpupunto ni Padilla.

Martin Sadongdong