Isang companion lamang ang maaaring isama ng mga kandidato para sa 2022 national and local elections (NLE) kung maghahain na sila ng kanilang certificates of candidacy (COC) sa susunod na buwan.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, mas magiging strikto sila sa paghahain ng kandidatura para sa susunod na halalan, na itinakda mula Oktubre 1 hanggang 8.
Aniya, lilimitahan lamang nila sa isang tao ang maaaring sumama sa kandidato sa loob mismo ng filing area.
“Very strict tayo sa filing ng COC. Lilimitahan natin ang puwedeng sumama sa loob ng filing mismo... Kandidato lang at isang kasama ang puwedeng pumasok doon sa mismong filing area,” ani Jimenez, sa panayam sa telebisyon.
“'Yung venue ngayon [ng filing ng COC], walang ibang tao doon kundi 'yung sa filing lang. Wala tayong crowd na ine-expect,” aniya pa.
Aniya pa, bagamat posible ring magkaroon ng mga rallies sa labas ng kanilang tanggapan ngunit mayroon naman aniyang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naka-deploy at siyang mangangalaga sa kaayusan sa lugar.
Una nang sinabi ng Comelec na kinakailangan muna ng mga kandidatong maghahain ng kandidatura sa pagka-Pangulo, Ikalawang Pangulo, Senador, Congressman at Party-list Representative na magprisinta ng negatibong RT-PCR o antigen COVID-19 test na kinuha sa loob ng 24-oras bago sila payagang maghain ng kandidatura.
Samantala, para naman sa panahon ng kampanya, sinabi ni Jimenez na papayagan ng Comelec ang face-to-face campaigning ngunit may mga restriksyon rin aniya silang ipatutupad dito upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.“Papayagan po natin ang face to face pero very severely restricted po. Limitado 'yung dami ng taong puwedeng mangampanya, limitado 'yung puwede nilang kausapin at puwede nilang ma-interact. Medyo mahihirapan 'yung mga pulitiko natin,” aniya pa.
Ang 2022 polls sa bansa ay nakatakdang idaos sa Mayo 9, 2022.
Mary Ann Santiago