Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na ang buong National Capital Region (NCR), maliban sa lungsod ng Maynila, ay nasa Alert Level 4 na o pinakamataas na alerto, sa COVID-19, dahil sa pagtaas ng mganaitatalangbagong kaso ng sakit at hospitalisasyon.
“All areas except the City of Manila are classified as Alert Level 4. The Delta variant of concern had been detected across all areas in the National Capital Region,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang pulong balitaan.
Base sa sukatan ng DOH, nabatid na ang Alert Level 4 ay itinataas sa isang lugar kung umabot na sa 70% pataas ang hospital bed capacity nito at ang lugar ay nasa ilalim ng moderate hanggang critical risk sa COVID-19.
Iniulat rin ni Vergeire na ang NCR ay nakapagtala rin ng positive 2-week growth rate, high-risk average daily attack rate (ADAR) at high-risk case classification.
“The regional health systems capacity is at high-risk with ICU utilization at 74 percent,” aniya.
Nabatid na ang Quezon City ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng aktibong COVID-19 cases na umabot sa 7,800, hanggang nitong Setyembre 5.
Sinundan naman ito ng Maynila, na nakapagtala ng 5,005; Caloocan City na may naitalang 3,826; Pasig City na may 3,561 naman at Makati City na may 3,529.
Sa kaso ng Maynila, bagamat mataas rin ang naitalang mga bagong kaso ng sakit, ay itinaas lamang ito sa Alert Level 3, dahil ang bed utilization rate nito ay nasa 65.47% lamang at ang ICU utilization rate naman ay nasa 61.75%.
Ang Alert Level 3 ay nasa pagitan ng moderate hanggang critical risk classification, at hindi pa umaabot sa mahigit 70% ang COVID-19 bed utilization o ICU utilization rate nito.
Samantala, sa naturang briefing pa rin, sinabi rin ni Vergeire na ang NCR ay patuloy na nakapagtatala ng upward trend ng mga iniuulat na kaso ng sakit, na tumaas ng 13%.
“In NCR, the 7-day moving average shows continuous increasing trend as cases in the recent 7 days have exceeded the previous 7 days by 574 cases,” aniya pa.
Idinagdag rin ni Vergeire na mula Agosto 30 hanggang Setyembre 5, ang Metro Manila ay mayroong average daily reported case na 4,974.
Matatandaang una nang isinailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20 upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19 at mula Agosto 21 naman hanggang Setyembre 7 ay nakasailalim ang rehiyon sa modified ECQ.
Inanunsyo naman na ng Malacañang nitong Lunes na pagsapit ng Setyembre 8 hanggang 30 ay isasailalim na ang NCR sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ).
Mary Ann Santiago