Sa kasagsagan ng pandemya, marami pa rin sa mga Pilipino ang patuloy na dumidiskarte hindi lamang para may makain, kung hindi para makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng kanilang kaalaman kung paano nila nadiskartehan ang mamuhay sa panahong ito.
Katulad ni Erwin Tumbagahan Tambong, 43, junkshop owner, may-asawa at tatlong anak. Naisipan niyang mag-vlog sa Youtube upang ituro sa mga nagnanais na magnegosyo ng pamimili ng scrapat kung paano ang diskarte sa isang junkshop.
Tumagal na siya ng limang taon sa negosyong junkshop. Gayunman, bago maging isang successful na junkshop owner, marami rin siyang pinagdaanang hirap sa buhay.
Anak ng isang magbobote si Erwin. Bata pa lamang siya,pagbobote na ang hanapbuhay ng kanyang ama. Naging bodegero rin sa junkshop ng mga Chinese ang kanyang ama. Doon na naisip ng kanyang ama na baka puwede na silang magtayo ng sarili nilang junkshop.
Kaya noong bata pa siya, sinasamahan niya ang tatay niya sa mga business adventures nila. Hanggang sa nagkaroon sila ng sariling junkshop.
Nagtrabaho bilang truck driver si Erwin sa junkshop ng kanilang pamilya. Along the way, natututo siya ng mga nitty-gritty o mahahalagangbagay na may kaugnayan sa pagpapatakbo ng junkshop.
Nang mag-asawa at magkaroon ng isang anak, tumigil na siya sa pagiging truck driver hanggang sa malihis ito ng landas matapos na gumamit ng iligal na droga sa loob ng isang taon.
Dumating sa punto na pina-rehab siya ng tatay niya sa Bicutan na umabot ng walong buwan.
Matapos ang rehabilitasyon, bumukod sila ng kanyang asawa, gayunman, tumutulong pa rin ito sa junkshop ng ama nito. Binigyan siya ng kanyang tatay ng ₱80,000 bilang puhunan sa pagtatayo ng sariling junkshop sa Angono, Rizal.
“Yung binigay po niyang puhunan sa aming mag-asawa. Doon po kami nakipagsapalaran at sinubukan ko pong umupa at magtayo ng junkshop,” ani Erwin sa panayam niya sa Balita.
Makalipas ang isang taon, tinulungan ni Erwin ang paluging junkshop ng kanyang ama.
“Paglipas ng isang taon. Pinuntahan kami ng tatay ko na kailangan daw niya ako sa junkshop niya na nalugi na raw. Sabi ko bakit? ‘Yun po, ako po pinahawak po niya. Binayaran lahat ng utang na hindi naman dapat na meron,” aniya.
Naubos din aniya ang ₱4 milyon na ipon ng kanyang ama dahil sa maling paghawak.
Napilitan siyang isara ang junkshop sa Angono at tinulungan ang kanyang tatay. Dahil sa sipag, nagkaroon ng sakit ang ama nito hanggang nagingbedridden na ito kaya siya ang nag-takeover ng junkshop.
Bago mamatay ang kanyang ama, ₱3 milyon ang huling utang nito kaya naman pinagsikapan niya at ng kanyang asawa na bayaran ito.
Taong 2015, pumanaw ang kanyang ama at siya na ang nagmana ng junkshop nito.
PAGPASOK SA VLOGGING
Noong nagkapandemya, malaki ang naging epekto nito sa kanilang negosyo. Natigil ang junkshop nila dahil hindi sila maka-deliver dahil bawal lumabas.
Bilang alternatibo, naisipan ni Erwin na pumasok sa vlogging at baka sakaling kumita at makatulong sa gastusin ng pamilya.
“Halos zero balance po kaming mag-asawa kaya naisip ko po na mag-vlog baka sakali na makatulong pagdating ng panahon po. Kaya naisip ko po na i-content ko po yung negosyo po namin. 'Pag may deliver po ako i-vlog ko po,” ani Erwin.
Tinuturo niya ang mga iba’t ibang klase ng bakal, magandang kita sa scrap na yero, mga bagay na dapat malaman bago magtayo ng junkshop, at marami pang iba.
Umabot na sa 3.7k subscribers ang Youtube channel niya na Eat story Junkers shop. Dahil bago pa lamang sa vlogging, hindi pa kumikita ang kanyang channel.
Dagdag din niya, may mga pumupunta raw sa shop nila dahil napapanood daw siya sa Youtube. May mga nagpapaturo na rin umano sa kanya sa mga probinsya, at maging ang mga OFW ay nais na rin magtayo ng junkshop.
Ang kita naman ni Erwin sa junkshop ay nakadepende kung gaano karaming kalakal ang nakukuha nila mula sa mga basura, sa mga kumpanya, o mga kalakal na dala ng kanilang customer.
Ang mga sumusunod ay presyo ng binibiling kalakal.(Tandaan: Maaaring mag-iba ang presyo depende sa panahon):
- Bakal - P12/kg = P15/kg
- Tapalodo/body ng sasakyan/ mga maninipis na bakal - P9/kg = P13/kg
- Yero P5/kg = P11-12/kg
- Lata P5/kg = P11-12/kg
- Pet mineral bottles P8/kg, P11/kg, = P28/kg
Matapos sila mangalakal, ibinebenta nila ito sa ibang kumpanya kung saan nire-recycle angmga plastic at ginagawang pellets.
Dahil sa pangangalakal sa kanilang junkshop, nakapagpundar ng sasakyan si Erwin na ginagamit nila sa pagdedeliver.
Sa mga gustong maging future junkshop owner tumutok lang sa Youtube channel ni Erwin Tambong naEat story Junkers shop.