LAGUNA - Magsasagawa muli ng picket protest sa Setyembre 6 ang mga health workers ng Calamba Medical Center (CMC) sa lalawigan kaugnay ng umano'y pagkabigo ng Calamba City Health Office (CCHO) na maibigay ang kanilang special risk allowance (SRA).
Sa abiso ni CMC Employees' Union president Clemen Balido, nais lamang nilang iparating ulit sa gobyerno ang kanilang reklamo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng protesta sa harap ng gusali ng CCHO at ng Department of Health-Center of Human Development (DOH-CHD) sa Lunes ng umaga.
Anila, nabigo ang CCHOna maibigay sa kanila ang kanilang SRA kahit nakapaloobito saBayanihan 2 Law (Bayanihan to Recover as One Act).
Paulit-ulit na umano silang hiningan ng dokumento ng CCHO bilang pagsunod sa kahilingan ng DOH upang mapagkaloob na ang benepisyo.
Gayunman, nabigo umano ang CCHOna mailabas ang SRA sa hindi mabatidna dahilan.
Idinagdag pa ng unyon na nabalitaan nila na naibigay na ng gobyerno sa CCHO ang pondong ₱34,717,253.64 para sa mga medical frontliners sa iba pang pribadong ospital sa lungsod, maliban lamang sa CMC.
Nitong nakaraang Lunes, mismong mga opisyal at miyembro ng unyon ang naglunsad ng protesta sa harap ng gusali ng nasabing ospital upang kalampagin ang pamahalaan kaugnay ng hindi ibinibigay na SRA.
Danny Estacio