Inihayag ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na maaari nang talakayin ng pamahalaan ang pagsasagawa ng booster shots sa mga mamamayan sa sandaling nabakunahan na laban sa COVID-19 ang 50% ng target population para sa herd immunity at kung may sapat na suplay ng bakuna ang bansa.
“Titingnan natin ang stability ng supplies natin... Kapag naabot na ang 50% vaccination sa lahat ng bahagi ng bansa, maaari nang pag-usapan ang booster shot,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa panayam sa radyo.
Sinabi pa ni Vergeire na ayon sa mga eksperto, ang ginagamit na bakuna sa ngayon sa bansa ang katulad din ng gagamitin sa booster shot.
“Kapag tinignan ang booster doses, ang sinasabi na mga eksperto, it is the same vaccines that is affected by the Delta variant and so with other variants of concern,” aniya pa.
Kaugnay nito, tiniyak rin ni Vergeire na inaasahan na nilang magtutuluy-tuloy na ang pagpasok ng mataas na suplay ng bakuna simula sa Oktubre ng kasalukuyang taon, batay na rin aniya sa pahayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez.
Nitong nakaraang Agosto 27, binigyang-diin ng DOH na na hindi pa inirekomenda ng mga eksperto ang pagbibigay ng booster shot atkahit pa kasali na sa hinihingi ng DOH sa proposed budget para sa taong 2022.
Mary Ann Santiago