Nakatakda nang buksan sa Disyembre ang bagong Manila Zoo, na maihahalintulad na sa mga world class na zoo sa ibang bansa.
Ang anunsiyo ay ginawa ni Manila Mayor Isko Moreno nang bisitahin niya ang ipinapagawang Manila Zoo, kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna, City Engineer Armand Andres at City Architect Pepito Balmoris nitong Biyernes.
Ayon kay Moreno, ang Manila Zoo, na itinuturing na isa sa pinakamatandang zoo sa buong Asya, ay magkakaroon na ng safari, aviary, reptiles, glass close interaction sa mga tigre, at primates.
Magkakaroon na rin aniya ito ng butterfly farm, na katulad ng nasa Dubai, kaya't tiyak na matutuwa aniya ang mga taong bibisita dito.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Moreno ang iba pang kapwa opisyal dahil sa tuong ng mga ito aniya kung bakit maisasakatuparan ang naturang proyekto, na matagal na niyang pinapangarap na maisagawa.
“Once again, I would like to thank Vice Mayor Honey Lacuna and the Manila City Council which she heads as its presiding officer, along with majority leader Atty. Joel Chua and president pro tempore Atty. Jong Isip and all the City Councilors for helping me realize this dream by means of appropriation approved by the council for the zoo redevelopment,” sabi ni Moreno.
Samantala, mula naman sa pagbisita sa Manila Zoo ay dumiretso ang grupo ng alkalde sa kasalukuyang konstruksyon saOspital ng Maynila na ilang metro lang ang layo sa zoo.
Sinabi ni Moreno na ang bagongOspital ng Maynila (OM) ay magiging 10-palapag na at fully-airconditioned modern hospital na maaaring ihambing sa mga private hospitals sa bansa.
Sa kasalukuyan ay sinabi ng alkalde na ang konstruksyon ng hilagang bahagi ng ospital ay nasa ika-10 palapag na habang ang katimugang bahagi nito ay nasa ikawalong palapag naman.
Ang gusali na dating inokupahan ng OM ay gagamitinna ngayon bilang College of Medicine para sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
“’Yung lumang building will be redeveloped para me sariling building ang College of Medicine. Tapos ‘yung building space sa PLM can accommodate other courses,” sabi pa ng alkalde.
Mary Ann Santiago