Umaabot na sa mahigit 16 milyong mag-aaral ang nakapagpatala na para School Year 2021-2022.
Ayon sa Department of Education (DepEd), umabot na sa kabuuang bilang na 16,038,442 ang mga nakapagpatalang mag-aaral na papasok sa Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa, hanggang nitong Setyembre 3.
Sa naturang kabuuang bilang ay 10,794,716 na mag-aaral ang nagpatala sa mga pampublikong paaralan habang nasa 671,660 naman sa mga pribadong paaralan.
Mayroon din namang 14,739 estudyante ang nagpatala para sa state universities and colleges (SUCs)/local universities and colleges (LUCs) habang nasa 4,557,327 naman ang nagpa-enroll sa ginanap na early registration noong mga buwan ng Abril at Mayo.
Nabatid na pinakamarami na ang nakapagpatala sa Region 4-A na umabot sa 2,481,554, na sinusundan ng Region 3 na may 1,591,509 enrollees, at National Capital Region (NCR) na may 1,577,155 enrollees.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng DepEd ang mga magulang at mga guardians na ipatala na ang kanilang anak sa klase upang makapag-aral sa susunod na pasukan kahit pa panahon ng pandemya.
Mary Ann Santiago