Sinuspindi muna ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang implementasyon ngprogramang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa Quezon City District 2 dahil sa umano'y anomalya sa pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo nito.

“Pina-hold ko muna ang implementation ng TUPAD program dahil kung ganoon nga ang nangyayari, hindi nakararating ang tulong natin sa taumbayan,” paglilinaw ni Bello sa isang radio interview, nitong Biyernes.

Binigyang-diin ni Bello, layunin ng programa na maayudahan ang mga naapektuhan ng pandemya ng coronavirus disease 2019, gayunman, iniutos nito na itigil muna ang pamamahagi ng cash aid upang maimbestigahan ang naiulat na anomalya.

Aabot aniya sa₱59 milyon ang nakalaan para sa mga benepisyaryo ng programa sa naturang distrito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nauna nang humingi ng tulong sa mga opisyal ng lungsod ang ilang benepisyaryo ng programa na pawang taga-Barangay Holy Spirit dahil sa umano'y irregularidad sa pagpapatupad nito matapos silang makatanggap ng maliit na bayad ng kanilang suweldo.

Reklamo ng mga ito, nakatanggap lamang sila ng₱2,000 na dapat sana ay₱7,518.

Depensa naman ng isang coordinator ng programa, kinakaltasan nito ng₱5,518 ang bawat isa sa mga ito kapag nakuha na ang kanilang bayad sa remittance center alinsunod umano sa utos ng isang Jackie Sales.

Kabuuang₱198,000 aniya ang naiabot nito kay Sales na nagsabi namang ibibigay niya ang salapi sa tanggapan ni Quezon City 2nd District Rep. Precious Hipolito-Castelo. Sinasabing ipinatutupad ang programa sa naturang lugar sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Castelo.

Gayunman, itinanggi ito ng kongresista na nangako pa na ipaiimbestiga niya ang usapin.

Sa isa namang pulong balitaan nitong Biyernes, kinumpirma niDOLE Information and Publication Service Director Rolly Francia na ipinag-utos na ni Bello sa DOLE-National Capital Region (NCR) na siyasatin ang usapin.

“Ito ang vinavalidate natin sa ngayon. We cannot tolerate this essentially because we are depriving the rightful beneficiaries of assistance.We are calling on the complainants to go straight to us or to the regional office of DOLE for you to be able to file a complaint and we will do the rest of the investigation,” pahabol pa ng opisyal.

Alexandria Dennise San Juan