Nanawagan sa gobyerno ang independent research group OCTA na palawigin pa ang implementasyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila nang hanggang dalawang linggo upang mapababa ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa rehiyon.
Sa panayam ng DZBB nitong Sabado, Setyembre 4, nasa 1.4 ang reproduction number sa Metro Manila, ayon kay OCTA Research fellow Prof. Ranjit Rye. Indikasyon na mataas pa rin ang infection rate sa rehiyon.
Pagpupunto ni Rye, habang hindi bumababa ng 1 ang reproduction number sa rehiyon, hindi makikitaan ng pagbaba ng kaso sa Metro Manila.
Dagdag pa ng eksperto, dapat na umanong magdesisyon ang gobyerno kung palalawigin ang MECQ.
Nakasailalim sa MECQ classification ang Metro Manila hanggang Setyembre 7.
Basa sa datos ng OCTA, maaaring hindi pa bumaba ang COVID-19 cases kaya’t hiniling din nito na palakasin ang kapasidad ng health care system, palawakin ang COVID-19 testing, tracing, at isolation.
Maliban sa mga nabanggit, makakatulong din sa pagpapababa ng mga bagong kaso sa Metro Manila ang mas agresibong vaccination rollout.
Umaasa ang OCTA na downward trend ang direksyon ng COVID-19 cases sa ikatlo o ikaapat na linggo ng Setyembre.
Ellalyn De-Vera Ruiz