Pinuna ng Makabayan bloc sa Kamara ang mabilis na pagpapatibay sa P8.2 bilyong budget ng Office of the President (OP) para sa 2022 na kinabibilangan ng P4.5 bilyong intelligence fund.
Nagreklamo ang mga kasapi ng bloc sa apurahang pagtatapos sa pagdinig ng House committee on appropriations sapagkat nais nilang masuri pa ang nakapalamang confidential at intelligence fund sa OP budget.
Dahil sa pagkontra ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, agarang sinuspinde ni Rep. Eric Yap, chairman ng komite, ang pagdinig matapos na ito ay pagtibayin. Ayon kay Yap, dapat na suriin na lang sa plenaryo ang P8.2 bilyong budget.
Partikular na tinutulan ng Makabayan bloc ang pagsasama sa P4.5 bilyong confidential at intelligence funds, na mas mataas pa umano sa P1.17 bilyong budget ng OP para sa personnel services at capital outlay na P574 milyon.
Iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na dapat bukas sa pagtalakay ang OP budget alang-alang sa diwa ng transparency.
"It is emblematic of the lack of transparency under the Duterte administration. Lubhang mahalaga na maging bukas ang Office of the President budget sa interpelasyon at pagsusuri sapagkat sa pamamagitan lang nito malalaman ng Kongreso at ng mamamayan kung ang pondo na ipinagkatiwala nila sa tanggapan ay ginamit sa tamang intensiyon," ayon kay Zarate.
Sa panig ni ACT Teachers Rep. France Castro, tinanong niya kung may itinatago ba ang Malacanang sa OP budget. Hindi raw ba mapapangangatwiran ng OP ang mga item na isinama nila sa budget proposal, tulad ng napakalaking halaga para sa intelligence expenses.
Naniniwala ang militanteng mga mambabatas na ang intelligence funds ay ginagamit ng administrasyon sa pagbanat at paninira sa kanilang pangkat sa pagkukunwaring ginagamit ito sa anti-insurgency program.
Bert de Guzman