Muling ipinagdiwang ng Pinoy-pop (Ppop) sensation SB19 at fandom nitong A’TIN ang makulay na Go up Era nitong Huwebes, Setyembre 2.
Matatandaan noong Setyembre 2, 2019 umusbong ang kasikatan ng grupo matapos mag-viral ang ‘Go Up’ dance practice video nila sa Twitter.
Sa salaysay ng SB19 sa ilan nang mga panayam, ang kantang Go Up ang naging huling alas ng grupo para magpatuloy sa karera.
Matapos ilabas ang kanilang debut song na “Tilaluha” noong October 25, 2018 at hindi ito tinangkilik ng publiko, inakala ng five-member group na matatapos na ang kanilang pangarap.
“Akala natin dati di na matutuloy. Pero tignan niyo ngayon, grabe na nagmamahal sa’tin. Ang galing! Parang kahapon lang ‘tong picture na to aah hahaha labyu guys! Labyu A’TIN dabest talaga kayo!” pagbabalik-tanaw ni SB19 Stell sa Twitter kalakip ang isang litrato na tila kuha bago pa ang tinatamasang kasikatan ngayon.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang supportive mommies ng Ppop members sa Twitter.
“Thank you so much for your undying support and love. I just pray that God may continue to bless you all as you are a blessing to us,” Ani ni Mommy Grace Nase, ina ni SB19 Pablo.
“Happy anniversary Go Up and A’tin. Thank you for loving and supporting the boys. Love u A’tin,” ani naman ni Mommy Gemma, ina ni SB19 Justin.
“Happy anniversary Go Up! Thank you sa nag-post ng dance practice! Sa ginawa mo, marami ang nakakita ng talent ng mga batang may pangarap,” pagpapasalamat naman ni Mommy Mylene, ina ni SB19 Stell.
Matapos ang viral video, sunod-sunod ang naging oportunidad ng SB19 kabilang ang di mabilang na mga TV appearance na nagpalakas pa lalo sa kasikatan ng grupo.
Kabilang sa kanilang massive hits sa discography ang “Alab”, “Hanggang sa Huli,” “What” at ang most streamed song of all time ng grupo, ang parental antheme “Mapa.”
Winagayway din ng grupo ang watawat ng Pilipinas sa international music scene matapos maging kauna-unahang nominado sa 2021 Billboard Music Awards under Top Social Artist Category kabilang ang biggest international stars BTS, Blackpink, Ariana Grande at Seventeen.
Samantala, bilang tribute sa Go Up Era, naglabas ng ">unreleased lyric video ang official Youtube channel ng grupo.
Nitong Agosto, naglabas ng brand new extended play (EP) album “Pagsibol” ang grupo tampok ang mga bagong kanta kabilang ang Bazinga, Mana at Salamat.
Laman din ng music headlines ngayong linggo ang panibagong Ben&Ben x SB19 collaboration “Kapangyarihan” bilang bahagi ng Pebble House Vol. 1: Kwaderno album ng sikat na folk pop band.
Binubuo nina Pablo (Leader/Main Rapper), Stell (Main Vocalist/Lead Dancer), Josh (Lead Rapper/ Sub Vocalist, Ken (Main Dancer/Lead Vocalist), at Justin (Bunso/Sub Vocalist) ang music phenomenon SB19.
Ang SB19 ang kauna-unahang all-Filipino boy group na sinanay ng ShowBT company sa ilalim ng Korean idol training system.