BAGUIO CITY – Posibleng nasa 100 na ang kaso ng Delta variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) mula sa close contacts ng lima sa anim na unang nakumpirmang nahawaan ng sakit sa lungsod kamakailan.
“Lumalabas na meron na kaming na-confirm na positive case sa kanila and most probably ay Delta variant na rin, of that four ay lumalabas na meron na kaming na-confirm na around 30 plus na positive na doon. Out of the 30 plus positive, meron pa kaming na-determine na potentially close contacts nila na around 70 plus, kaya marami na,” pahayag ni City Mayor Benjamin Magalong, nitong Biyernes.
Posible rin aniyangnararanasan na sa siyudad ang community transmission ng nabanggit na variant.
Dahil dito, muling nagpalabas si Magalong ng Executive Order No.106-2021 upang maipatupad ang karagdagang paghihigpit, muling pagsuspinde ng non-essentials travels sa lungsod mula sa all areas regardless of quarantine classification mula Setyembre 3 hanggang Setyembre 19.
Aniya, base sa link analisys na ginagawa gamit ang isang uri ng teknolohiya, lumalabas na mula sa 5 kaso ay mahigit na sa 100 kaso ng Delta variant ang nahawaan mula pa noong Hulyo.
“Ibig sabihin niya kung as early of July, everyday ay may potentially na nai-infect and most probably dito sa atin ay mayroon na tayong community transmission at sa mga susunod na araw ay baka ito na ang mas dominant variant sa ating siyudad,” pangamba ng alkalde.
Mula Hulyo aniya ay tumaas ng 30 porsiyento ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod at tumaas din ng 85 porsiyento ang mga taong edad 17 pababa ang tinamaan ng virus.
“Since the 3rdweek of August, the number of our average cases per day is 87. This comes in the aftermath of the confirmation of local transmission cases of the COVID-19 Delta variant, where six have been identified to be in Baguio,” pagdedetalye nito.
Sa datos, kinumpirma ng Philippine Genome Center (PGC) na ang lungsod ay may tatlong uri ng variant, ang Alpha na may 107 cases, na may linked cases for monitoring na 3,378 contacts; Beta variant na may 49 cases-881 linked cases for monitoring at Delta variant na 6 with 262 linked cases for monitoring.
Sa kabuuan ay may 4,521 close contacts ang patuloy na minomonitor ng Task Force on Contact Tracers base sa link analysis tools ng lungsod.
Dahil aniya sa case clustering na naitala mula sa households at workplaces ay kinakailangan ang dagliang pagpapatupad ng karagdagang restrictions upang mapigil ang pagkalat ng community transmission.
Ipinaliwanag din ni Magalong na bagama’t tumataas ang kaso sa nakalipas na dalawang linggo hanggang sa kasalukuyan ay nasa 73 percent pa rin ang utilization rate ng bed capacity ng mga hospital at isolation facility sa lungsod.
Sa nakalipas na dalawang araw ng Setyembre ay naitala ang 332 cases, dumagdag sa kabuuang 17,744 confirmed cases; 16,411 recoveries; 986 active at 347 deaths.
Zaldy Comanda