Natukoy ng Philippine Genome Center (PGC) na 83 porsyento ng random samples ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Agosto ay puro Delta variant.
Ito ang kinumpirma ni PGC executive director Cynthia Saloma, sa isang virtual public briefing nitong Biyernes, Setyembre 3
“Nationally, 48 percent ng ating samples ay puros na po Delta variant. So that’s 48 percent of about 2,582 samples which were collected in July. In August, tumataas pa po ito pero kaunti pa lang 'yung bilang ng mga swabs na naitala natin," ayon kay Saloma.
Aniya, sa 542 samples, 83 porsyento sa mga ito ay Delta variant.
Binigyang-diin ni Saloma na ang whole genome sequencing ng COVID-19 samples sa Metro Manila ay nagpapakita ng community transmission sa rehiyon.
“Kung titignan naman natin in the National Capital Region [NCR], 'yung mga samples marami po tayong na-analyze noong July na mga 593. Makikita natin 'yung total of 76 percent of 593 cases na sequenced samples from the National Capital Region 'yung Delta variant. Mas marami pa po greater than 90 percent of the cases na na-collect nitong August sa NCR," aniya.
“Definitely, based on the phylogenetic analysis and tracing of samples, makikita po natin very clearly na 'yung National Capital Region is undergoing community transmission of Delta variant, and also in Calabarzon," dagdag pa nito..
Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa ng samplings ang PGC sa Region 3, 6, 7 at 10 upang matukoy kung mayroon Delta community transmission.
Matatandaang kinumpirma ng World Health Organization (WHO) nitong Agosto 31 ang community transmission ng mas nakahahawang Delta variant sa Pilipinas.
Ellalyn De Vera-Ruiz