Hindi makapaniwala si Mura o 'Allan Padua' sa tunay na buhay, na wala na ang kaniyang katambal at kaibigang si Mahal o 'Noemi Tesorero' naman sa tunay nitong pangalan.

Tila napakabilis umano ng mga nangyari, at inakala niyang fake news lamang ang mga nabasa sa social media, nitong Agosto 31, 2021. Noong Agosto 22, 2021 kasi ay nagkita pa sila ni Mahal dahil dinayo pa siya sa tirahan niyang nasa Abra pa, para lamang kumustahin siya nang personal at abutan ng tulong.

Binigyan siya ng grocery items at ₱5,000 ni Mahal, at makahulugan din ang pahayag nito, na 'Kapag nawala siya sa mundo, may tulong pa rin siyang ibibigay kay Mura' na para bang isang premonition. Kasama ni Mahal ang kaniyang espesyal na kaibigan na si Mygz Molino, na isang modelo, indie actor, vlogger, at negosyante.

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist

Mura at Mahal (Screenshot mula sa YT/Mygz Molino)

Sabi ni Mura sa panayam ng ABS-CBN News, naniwala lamang siyang totoo ang balita ng pagpanaw ni Mahal nang makita na niya mismo ang Facebook post ng kapatid nitong si Irene Tesorero.

“Hindi ko pa maiisip na 'yun ang mangyayari sa kanya. Ang lakas-lakas niya pa nang pumunta dito, yung di ko alam kung paano ko paniniwalaan, e, bigla e. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam, ang saya-saya namin dito, e,” aniya.

Pakiramdam niya umano ay namaalam na sa kaniya si Mahal noong nagkita sila.

Pagbabahagi pa ni Mura, balak pa niya umanong lumuwas ng Maynila para sa collaboration na gagawin nila sa vlog ni Mahal. Pag-uusapan din sana nila ang gagawin nilang mga 'raket' gaya ng pelikula at iba pang proyekto.

Mahal at Mura (Larawan mula sa Manila Bulletin)

“Mahal, sana masaya ka sa iyong paroroon at nagpapasalamat ako sa ‘yo at pinuntahan mo ako rito. Binigyan mo ako ng tulong. At sa mga kamag-anak niya, nakikiramay ako. Gustuhin ko man na pumunta diyan pero paano, mahirap ngayon, e. Pasensiya na po,” mensahe ni Mura sa namayapang kaibigan at sa mga kaanak nito.