Sa gitna ng tumataas na coronavirus disease (COVID-19) infections sa bansa, isang grupo ng mga doktor ang humihiling ng isa pang "timeout."

Ayon kay Philippine College of Physicians (PCP) President Dr. Maricar Limpin sa kanyang panayam sa TeleRadyo nitong Huwebes, Setyembre 2, maraming mga doktor na ang pisikal at emosyonal na napapagod dahil sa napakaraming pasyente. 

“Hindi ko na masabing kayang-kaya katulad nung mga nakaraang araw kasi talagang medyo nakakapagod na. Ang feeling na namin parang nasusuka na kami. Ibig sabihin medyo nahihirapan na kami, ginagawa lang namin ang aming makakaya para patuloy na pagsilbihan ang mamamayang Pilipino," ani Limpin.

Dagdag pa niya, ilan sa kanilang mga kasamahan sa Cebu ang nagsiwalat na minsan ay kailangan nilang magdesisyon umano kung sino sa mga pasyente ang mas kailangang bigyan ng ventilator o respirator sapagkat walang sapat na mga suplay.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Hindi pa kami masyadong makapag-decide kasi pinag-uusapan pa namin. Medyo mahabang usapin ito, pagdating sa pagtawag ng timeout. Tulad din noong dati, noong nagtawag kami ng timeout, hindi naman kami yung isang saglit lang nakapagdesisyon," ayon kay Limpin.

“Kasi kailangan talagang pag-usapan nang mabuti, matingnan namin lahat ng aspeto before kami tumawag ng timeout. Inaalam na namin kung ano yung mga sitwasyon sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, inaalam din namin kung kakayanin pa ba namin," dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Limpin na kailangan bumaba ang kaso ng COVID-19 para gumaan ang pakiramdam ng mga health workers.

“Ang kailangan talaga mapababa natin itong kaso. That’s the only way na medyo gagaan ang aming pakiramdam. Right now bukod sa physical stress, we're also emotionally stressed," paglalahad niya.

Matatandaan na noong 2020, humingi ng "timeout" ang mga doktor at nurses simula Agosto 1 hanggang 15 upang ma-regroup at ma-improve ang kanilang pandemic response.

Gabriela Baron