Natuwa ang mga tagahanga at 'certified Kapamilyas' nang magbigay ng kaniyang video greeting si Maja Salvador para sa 6th anniversary ng teleseryeng 'FPJ's Ang Probinsyano' kung saan isa siya sa mga naunang bahagi ng cast sa season 1 nito, bilang isang pulis at matalik na kaibigang babae ni Cardo Dalisay (Coco Martin), na hindi naman nasuklian ang pagmamahal para sa binata.
Mapapanood sa official Twitter account ng 'Dreamscape Entertainment' ang video greeting ni Maja.
"Happy Anniversary, #FPJsAngProbinsyano!' Mula sa gumanap bilang "pards" ni Cardo na si Glen, @dprincessmaja (Maja Salvador), Ka-Probinsyano noon,-Ka Probinsyano forever!" saad sa caption.
Binati ni Maja ang kaniyang mga Ka-Probinsyano, si Coco Martin na lead actor at direktor nito, at ang mga bumubuo ng palabas.
"Ako si SPO1 Glenda Corpuz, ang pards ni Cardo, ang kaisa-isang bestfriend niya na babae, na nagkagusto sa kaniya subalit hindi ito masuklian ni Cardo. Sa aking mga Ka-Probinsyano, kay Coco, at sa lahat ng bumubuo ng Ang Probinsyano, congratulations and happy happy anniversary!" pahayag ni Maja sa kaniyang video greeting.
Umalis si Maja sa show noong 2016 upang bumida bilang Ivy Aguas/Lily Cruz sa matagumpay na teleseryeng 'Wildflower' noong 2017.
Pagkatapos nito, isa siya sa mga lead cast ng 'The Killer Bride' kasama si Janella Salvador noong 2019.
Ito ang unang appearance ni Maja sa ABS-CBN/Kapamilya Network matapos niyang lumabas sa mga shows ng TV5 noong October 2020.
Kaya naman panawagan ng mga netizens, sana raw ay bumalik na sa Kapamilya Network si Maja, na ilang beses nang iniintrigang lilipat na rin sa mahigpit na karibal ng ABS-CBN, ang GMA Network.
"Nakaka-miss ang mga panahong masayang-masaya si Cardo kasama si Glen at Onyok. Nakaka-miss ang mga unang taon ng Ang Probinsyano," wika ng isa.
"We miss you na Maja! So when next project mo sa ABS-CBN? We can't wait for your comeback," saad naman ng isa.
Sa ngayon ay may teleserye si Maja na 'Niña Niño,' sa TV5, na mapapanood bago ang 'FPJ's Ang Probinsyano' na napapanood din sa naturang network.