Magandang balita para sa mga bakunadong authorized persons outside residence (APOR)
Pinalawig pa ng Department of Transportation (DOTr) ang ipinagkakaloob nilang libreng sakay sa tatlong rail lines sa Metro Manila hanggang sa Setyembre 7.
Sa anunsiyo ng DOTr, tuluy-tuloy pa ring magbibigay ng libreng sakay ang mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Philippine National Railways (PNR), para sa mga bakunadong APOR sa piling oras habang nasa ilalim pa ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Anang DOTr, maaaring i-avail ng mga vaxxed APOR ang free ride sa MRT-3 sa pagitan ng 7:00AM-9:00AM at 5:00PM-7:00PM.
Sa LRT-2 naman, sa pagitan ng 5:00AM-7:00AM, 9:00AM-5:00PM, at 7:00PM-9:00PM.
Samantala, ang PNR naman ay magbibigay ng libreng sakay sa pagitan ng 4:00AM-6:00AM, 9:00AM-4:00PM, at 7:00PM onwards.
Upang makapag-avail umano ng libreng sakay, kinakailangan lamang ng mga vaccinated APORs, na naturukan na ng first dose o second dose ng COVID-19 vaccine, na magpakita ng kanilang certificate of APOR status.
Matatandaang sinimulan ng DOTr ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga bakunadong APOR noong Agosto 3, o bago pa ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila noong Agosto 6, at pinalawig pa ito habang umiiral pa ang MECQ sa rehiyon.
Mary Ann Santiago