Nilinaw ni Senador Juan Edgardo "Sonny" Angara nitong Huwebes, Sept. 2 na wala siyang planong tumakbo sa pagka-bise presidente sa darating na May 2022 national elections.
Sa isang pahayag, "honored" umano si Angara matapos madawit ang pangalan niya sa election discussions ngunit aniya nakatuon siya sa kanyang trabaho sa Senado bilang chair of the Senate Committee on Finance na kung saan tatalakayin ang panukalang P5.024 trilyon na national budget para sa 2022.
“No plans as busy din kami dito sa trabaho namin sa Senado at sa pagtulong sa paghanap ng mga solusyon dito sa pandemya," ani Angara.
“But as I’ve said before, it’s an honor to even be mentioned for these positions,” dagdag pa niya.
Nabanggit ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang pangalan ni Angara bilang isa sa anim na nagnanais umanong maging kandidato sa pagka-bise presidente sa susunod na taon.
Ayon kay Duterte-Carpio, isa si Angara sa mga pinapares sa kanya. Maging sina Senador Christopher Go at Sherwin Gatchalian ay personal din na nagpahayag umano na nais nilang tumakbo bilang bise presidente niya.
Matatandaan na tinanggap ni Pangulong Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban bilang kandidato sa pagka-bise presidente sa halalan 2022.
Hannah Torregoza