Nagulat ang showbiz industry sa balitang pumanaw na ang komedyanteng si Noemi Tesorero nitong Agosto 31, 2021 dahil umano sa gastro illness at COVID-19, ayon mismo sa kaniyang pamilya.
Kinilabutan ang mga netizens dahil kamakailan lamang ay itinampok ni Mahal sa kaniyang YouTube channel ang pagtungo niya sa dating katambal na si Mura o Allan Padua sa tunay na buhay.
"Masarap sa pakiramdam (na) marinig ang mga salita na nasabi ni MURA sa akin, sa amin na talagang napaluha din naman ako. Tunay man na mahirap ang mga nagawa bago makapunta sa kanila pero sulit naman at nakapagbigay kami ng ngiti sa isang kaibigan. Tara at panoorin natin ang reaction ni Mura," saad pa ni Mahal sa caption ng kaniyang YT channel na umere noong August 20, at as of this writing ay may 1,954,762 views na.
Dinayo ni Mahal ang malayong tirahan ni Mura sa Guinobatan, Albay kasama ang kaibigang indie actor na si Mygz Molino. Tila naging masaya ang muling pagkikita nina Mahal at Mura, na dalawang taon nang hindi nagkikita.
Binigyan ng grocery items ni Mahal si Mura at inabutan ng 5,000 piso bilang panggastos.
Subalit hindi inaasahan ng mga netizens na ang pahayag ni Mahal kay Mura ay tila premonition na malapit na siyang mawala sa mundong ibabaw.
"Yan ang tulong ko sa ‘yo. At least, ngayon lang ako nakabawi… para hindi ka maubusan, meron ka nang pagkain at hindi ka na masyadong lalabas. At least nakapunta rin ako dito kasi ngayon lang ako nakapunta ng bundok,” sabi ni Mahal.
“Hanggang sa tumanda ako, at uugod-ugod, siyempre pupunta pa rin ako dito. Kapag halimbawa nawala ako sa mundo, mayro’n pang konting tulong ako sa ‘yo," dagdag pa niya.
Narito ang ilan sa komento ng mga netizens.
"Kinilabutan ako sa part na sinabi ni Mahal na kapag nawala na siya sa mundo, mayroon pang konting tulong para kay Mura. Salamat Mahal sa pagbibigay ng saya sa napakaraming tao, at pagtulong sa isang mahal na kaibigan. May you rest in peace!" sabi ng isa.
Turan naman ng isa, "She maybe small in size but with a BIG HEART. You will be missed. Rest in paradise Mahal."
"Kahit mawala ako sa mundo meron akong tulong na iiwan sa iyo. Malungkot marinig pero yung salita na 'yun ang tumatak sa akin. Tunay na ang kagandahan ay wala sa pisikal na kaanyuan. Isang tao na mabuti ang puso at masayahin. Long live Mahal at nawa’y pagpalain ka ng Puong Maykapal," wika naman ng isa.
Naitampok sa award-winning magazine show na 'Kapuso Mo Jessica Soho' o KMJS ang kanilang madamdaming pagtatagpo sa episode nitong August 22.