Iniulat ng OCTA Research Group na bumaba ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR), gayundin sa Quezon City at Maynila.

Idinahilan ni Dr. Guido David, ng OCTA, hanggang nitong Agosto 31 ay nasa 1.44 na lamang ang reproduction number sa NCR.

Mas mababa aniya ito kumpara sa 1.56 sa naitala nitong Agosto 24.

Aniya, nakapagtala rin nang pagbaba ng reproduction number ang Quezon City na nasa 1.27 na lamang mula sa dating 1.47 noong Agosto 24, at ang Maynila na nasa 1.33 naman na lamang mula sa dating 1.49.

National

VP Sara, mas dapat ma-disbar sa sinabi, banta kay PBBM—Atty. Castro

Naniniwala rin si David na ang pagbaba ng mga kaso ng sakit sa mga naturang lugar ay maaaring indikasyon ng posibleng pagbaba na o downtrend ng mga kaso ng sakit sa iba pang local government units (LGUs) sa Metro Manila.

“Nakita namin na although sa Metro Manila nasa 1.44 ang reproduction number, ‘yung dalawang pinakamalaki na LGU sa Metro Manila, ‘yung Quezon City at Manila, ay medyo mababa na ang reproduction number nila,” aniya.

“Magandang indication ito kasi kapag ‘yung malalaking LGU ay bumababa ang reproduction number, usually susunod din ‘yung mga maliit na LGU,” pahayag ni David.

Ikinukonsidera rin aniya nila na ang 1.44 reproduction number sa Metro Manila ay mababa na.

“If we stay the course, nakikita natin na maaaring magkaroon tayo ng downward trend sa Metro Manila by second or maybe third week of September,” dagdag pa niya.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring hawahan ng sakit ng isang indibidwal na dinapuan ng COVID-19.

Gayunman, ang NCR pa rin aniya ng nangunguna sa mga lalawigan na may pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 nitong katapusan ng Agosto na umabot sa 3,515 na sinundanng Cavite na nakapagtala ng 1,428; Bulacan na may 810; Laguna na may 698 at Cebu na may 591 naman.

Mary Ann Santiago